URDANETA, Pangasinan
Mahigit 100 na kawani ng Sangguniang Panlungsod (SP) ng Urdaneta City ng Pangasinan ang hindi sumahod dulot diumano ng preventive suspension ni Mayor Julio Parayno lll, na ibinaba ni Governor Ramon V. Guico III. Hindi rin pinirmahan ni Acting City Mayor Jimmy Parayno ang sahod ng mga empleyado ng dahil si Acting Vice Mayor Franco Del Prado ang nararapat na pumirma sa payroll.
Samantalang ang mga empleyado ng Office of the Mayor ay sumahod na, ayon kay acting Mayor Parayno. Hindi diumano makagalaw si acting VM Del Prado dahil wala pang designation order ng Department of Interior and Local
Government (DILG). Sa panayam kay Urdaneta City DILG Officer Richard Real, nai-email na umano ni DILG-Ilocos Region Regional Director Jonathan Paul Leusen sa opisina ni DILG Secretary Benhur Abalos ang naturang order para mapirmahan na ito ng kalihim.
Ngunit hindi pa napipirmahan ni Secretary Abalos ang designation order ni Del Prado dahil abala umano ang Kalihim sa paghahanda ng kanilang taunang budget para sa 2025. “Panay din ang follow-up ni RD Leusen sa opisina ni Secretary (Abalos) para mapirmahan na yong order kay (acting Vice Mayor) Del Prado,” dagdag ni Real. Kapansin-pansin ang diumanong dulot na kagulugan sa operasyon ng Urdaneta City government dahil sa 90-day preventive suspension na ipinataw ni Guico III kay Mayor Parayno.
Magugunita na inilabas ng Blue Ribbon Committee ng Sangguniang Panlalawigan at ibinababa ni Gov. Guico ang preventive suspension ni Parayno noong Agosto 12, 2024 dahil sa inireklamong hindi makatarungang pagbibinbin sa aplikasyon ng isang poultry firm sa Barangay Tiposu, Urdaneta City noon pang 2020. Ayon kay Parayno, tinanggap nito na ang kanyang preventive suspension at ipinasa-kamay na lamang niya ito sa korte na siyang dumidinig sa inihain nyang TRO.
Naganap din noong Agosto 21, 2024 sa sala ni Judge Crisma V. Nabua ng RTC Branch 73 ang hearing ng Temporary Restraining Order (TRO), Writ of Preliminary Injunction and/or Status Quo Ante -Order” na petisyon ni Parayno.
Naghain din si Parayno ng Civil Case na may numerong U-12260 laban kina Gov. Guico III, Vice Governor Mark Ronald DG Lambino, Board Members Shiela Marie F. Baniqued, Napoleon C. Fontelera, Noel C. Bince,Apolonia DG. Bacay, Philip Theodore E. Cruz, Haide S.Pacheco, Vici M. Ventanilla, Marinor R. De Guzman, Jerry Agerico
B. Rosario, Rosary Gracia P. Tababa, Nichole Jan Louie Q. Sison,Carolyn D. Sison, Joyce D. Fernandez, Raul R. Sabangan, Atty. Verna T. Nava Perez at sa Anti Red Tape Authority (ARTA), na una nang nagrekomenda sa pagpapa-suspinde kay Parayno dahil sa nasabing usapin.
Artemio A. Dumlao/ABN
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024