Face shield – karagdagang proteksiyon o karagdagang pasanin

Opinion

Simula Agosto 15 ay kailangan ng magsuot ang lahat ng pasahero sa buong bansa ng face shields kasama ang mandatoryong pagsusuot ng face mask bilang karagdagang patong na proteksiyon laban sa impeksiyon sa coronavirus, ito ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 2020-14 ng Department of Transportation (DOTr) na nag-uutos sa lahat ng maglalakbay sa lupa, dagat at himpapawid na magsuot ng face shields.

Ang kautusan ayon sa DOTr ay intensiyong pababain ang panganib ng pagkahawa sa coronavirus kung nasa pampublikong sasakyan. Ayon din sa mga awtoridad ng kalusugan, ang paggamit ng face shields at masks ay nagpapababa sa pagkalantad at emisyon ng respiratory droplets.

Dapat daw na ang gamiting face shields ay natatakpan ang ilong at bibig dahil kung hindi ay hindi sila papayagang sumakay. Karaniwang nagagamit ang face shields ng paulit-ulit ngunit kailangan lamang na palagiang ma-sanitized ito dahil ayon sa siyentipikong pag-aaral, lumabas na ang bagong coronavirus na sanhi ng severe respiratory illness na COVID-19 ay tumatagal sa ibabaw ng plastic at bakal hanggang tatlong araw.

Huwag daw isipin ang bagong kautusan ng pagsusuot ng face shileds bilang ‘kontra sa mahihirap’ at huwag tingnan na karagdagang pinansiyal na pasanin kundi mahalagang patong ng proteksiyon laban sa impeksiyon ng coronavirus.

Dito sa lungsod ng Baguio ay iniutos ni Mayor Benjamin Magalong ang pagsusuot ng face shields ng lahat ng mga empleyado, manggagawa at iba pang personnel ng mga establisimiyento, bangko at mga opisina ng gobyerno habang nakaduty.

Binigyan diin ni Magalong sa kaniyang executive order 118 series of 2020 ang pagdami ng Coronavirus Disease (Covid- 19) infections sa lungsod mula ng magluwag sa restriksiyon sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) at ang agresibong operasyon ng lungsod para sa expanded testing ng iba’t-ibang sektor. Kahit hinihingi ng national health authorities ang minimum public health standards upang malimitihan ang panganib ng pagkahawa ay kailangan daw ipatupad ang paggamit ng face shields o transparent physical barriers bilang karagdagang pamamaraan ayon kay Magalong.

Tinukoy pa ni Mayor Magalong ang executive order 93 series of 2020 na nag-uutos sa lahat ng manggagawa, empleyado at vendors sa public markets, satellite markets, supermarkets at grocery stores, at mga driver ng PUVs na magsuot ng face shields, face masks at hand gloves. Palalawigin din ang direktiba na isasama ang mga industriya na nagtaas na ng kanilang operational capacity mula ng maipatupad ang MGCQ guidelines.

Mula ng payagan ang pagbabalik ng pampublikong transportasyon noong Hunyo 1 ay nagkaroon ng biglang pagtaas ng mga kaso ng impeksiyon sa coronavirus sa Pilipinas. Ang simpleng face shield ay nagkakahalaga mula PhP30 hanggang PhP100 o mas higit pa sa iba.

Nito lamang ay naglabas na ang DOH ng suggested retail price ng mga face shield na hindi dapat lalagpas ang presyo sa PhP50. Ngunit sadyang may mga talagang mapagsamantala na kababayan natin. May mga nanloloko pa at dahil sa magiging isang pangunahing pangangailangan na ang face shield at face mask ay magiging “in demand” na ito sa merkado. Walang magawa ang kawawang Pinoy kundi bumili nito dahil kung hindi ay tiyak namang hindi sila mabubuhay kasama ang kanilang pamilya dahil hindi sila makakapaghanapbuhay. Sabagay, minsanan lang naman ang pagbili ng face shield na magagamit ng matagalan kaysa panghabang-buhay ka namang hindi makapaghanap-buhay dahil tinamaan ka na ng COVID-19…

Kasabay ng pagsunod ng mamamayan sa pagsuot ng face shield ay dapat tingan din ng gobyerno ang mga nagsasamantala sa presyo ng mga ito, mas mabuti siguro kung libre na lamang itong ipamahagi sa mga tao dahil kalauna’y kung makakapagtrabaho ng husto ang mga manggagawa ay makikinabang naman ng husto ang gobyerno.