FREE WIFI, TINATAMASA SA BARANGAY STO. TOMAS PROPER

BAGUIO CITY

Tinatamasa ngayon ng mga residente, lalong-lalo na ang mga estudyante ang libreng wifi connection sa Barangay Santo Tomas Proper, bilang bahagi ng programa ng Department of Information and Communications Technology
(DICT). Ayon kay Punong Barangay Alenjandro Allen Agpes, simula noong Enero 16,2025 ay malaking pakinabang sa barangay ang free wifi sa usaping komunikasyon, dahil napapabilis ang transaksyon o access sa mga residente, na
bagamat may bahagyang blockage sa ilang lugar ay maayos ang signal at mabilis ang internet connection.

Aniya, sa kasalukuyan ay wala pang natatanggap na reklamo mula sa mga residente, dahil bago pa lamang ang
serbisyo, inaasahang mas maraming mamamayan ang makikinabang dito sa mga susunod na buwan. May regulasyon ang DICT sa paggamit ng libreng WiFi upang mapanatili ang kalidad ng koneksyon. Hanggang 500 katao ang maaaring kumonekta ng sabay-sabay, at hindi pinapayagan ang paggamit nito para sa online games—pangunahing layunin nito ay para sa social media at paghahanap ng impormasyon.

Ayon sa mga residente, malaking tulong ang libreng WiFi lalo na sa mga estudyante, manggagawa, at negosyante sa
barangay. Marami ang pumupunta sa sakop ng serbisyo upang makagamit ng internet, partikular na ang mga walang
sariling koneksyon sa bahay. Walang itinakdang oras ng paggamit para sa libreng WiFi, subalit may limitasyon sa
bandwidth upang mapanatili ang maayos na serbisyo. Ang pagbabawal sa online games ay nakatulong upang mapalawak ang sakop ng koneksyon sa mas maraming lugar sa barangay.

Sinabi ng barangay na hindi nila maaaring kontrolin ang paggamit ng WiFi sa labas, ngunit tiniyak ng DICT na may
sapat na seguridad at regulasyon ang system. Inaasahan na magiging responsable ang mga residente sa paggamit ng libreng internet. Sa ngayon, wala pang kasiguraduhan kung palawakin pa ang WiFi coverage sa ibang bahagi ng barangay. Gayunpaman, nagpapasalamat ang barangay sa DICT sa pagbibigay ng serbisyo, at kung may karagdagang proyekto, maaaring bigyang-prayoridad ang mga pampublikong paaralan at iba pang mahalagang lugar.

Wala pang opisyal na feedback mula sa mga residente ukol sa serbisyo, ngunit makikita ang epekto nito sa dami ng
taong gumagamit. Ang mataas na bilang ng konektadong residente ay patunay sa bisa at pangangailangan ng libreng
WiFi sa lugar. Nakatulong ang libreng WiFi sa pagpapabilis ng impormasyon at serbisyo sa barangay. Dahil dito, mas naging madali ang komunikasyon sa pagitan ng mga opisyal at residente, bagamat napapansin ang pagbaba ng signal kapagmaraming sabay-sabay na gumagamit. Umaasa ang barangay na magpapatuloy ang programang ito sa mas mahabang panahon. Patuloy na magtutulungan ang DICT at barangay upang mapanatili ang kalidad ng
koneksyonat mas mapalawak pa ang benepisyo nito para sa lahat.

Iris Samson/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon