“GALIT SA KORAP, PERO NAHAHARAP SA REKLAMONG GRAFT, CORRUPTION?”

Nahaharap sa reklamong graft and corruption sa Office of the Ombudsman si Baguio City Mayor Benjie Magalong kaugnay sa pagbili ng syudad ng lupang ilalaan sana sa socialized housing sa Sitio
Topinao, bayan ng Tuba, Benguet. Ayon sa reklamo ng kapwa niyang opisyal ng syudad – City councilor Mylen Yaranon — hindi umano hayagang pinayagan ng Konseho ng Baguio na bumili ang Baguio City sa katauhan ni Magalong ng lupang nagkakahalaga ng P95.377M, kundi mag-land
banking lamang pa lamang para sa mga pangagailangan nito.

Ngunit nagpumilit umano si Magalong at sa halip na magdownpayment ng kalahati sa presyo, na pinapayagan naman ng may-ari ng biniling lupa, ay buong halaga ang ibinayad. Kaya’t duda si
Councilor Yaranon sa naging transaction ni Mayor Magalong, bagay na ninanais niyang sumailalim ito sa imbestigasyon ni Ombudsman Samuel Martirez, isa ring tagaBaguio City, kung ito ba’y
nagkasala ng Grave Abuse of Authority, Grave Misconduct, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service dahil sa naturang P95.377M transaction.

Bago pa ang pormal na reklamo sa Ombudsman, sumailalim sa pagdinig ng Baguio City Council noong Mayo ang isyu. Humarap sa pagdinig ang Baguio City Legal Officer, City Assessor, City
Planning and Development Coordinator, City Budget Officer at mismo si Mayor Magalong. Lumabas sa naturang pagdinig na ang pagbili ng P95.377M lupa ay hindi kasali sa 5-year Development Plan ng syudad. Ayon kay Mayor Magalong, buong tapang nitong haharapin ang
imbestigasyon sa ngalan ng hustisya at katotohanan. Wala umano itong ikinukubling kababalaghan ukol sa isyu.

Dumaan sa masusing proseso ang pagbili ng lupa, pangako ni Magalong at lahat ng kinakailangang dokumento ay bukas sa pag-usisa ng publiko, na ayon pa sa kanya’y, mahalagang marka ng kanyang administrasyon. Sana ang higit na makinabang sa lalong madaling panahon ang mga benepisyaryo ng socialized housing sa Baguio City kung saan nakalaan ang P95.377M pondong ginamit sa pagbili ng lupa, at hindi mahostage ang programa ng umpugan sa pulitika ng darating
na 2025.

Amianan Balita Ngayon