Game of the Generals, kailangan ng isang arbiter

Ang mahabang kamay ng batas ay masusubukan sa mga mismong nagpapatupad nito. Gaano man katagal ng panahong pagtatago at pag-iwas sa batas ay darating din ang araw na masusukol ang mga taong nagkasala at lumabag sa batas.

Walang sinuman ang mas mataas pa sa batas at ito ang kailangang mapatunayan at maipaunawa sa sambayanan upang ang tiwala sa mga inaari nating tagapamayapa, tagabantay, tagapagtanggol at protekor ay hindi maglaho.

Ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado kaugnay ng kontrobersiyal na GCTA Law ay “nasaling” lamang nito kung tutuusin ng maungkat ang matagal ng kaso ng mga “ninja cops” (agaw-bato) na kinasangkutan ng mga miyembro ng pulis ng Pampanga noong 2013 at 2014.

Ang matagal ng alingawngaw ng katiwalian ng ilang miyembro at matataas na opisyal ng Philippine National Police at iba pang tagapagpatupad ng batas ay biglang sumambulat ng pangalanan ni dating CIDG chief Gen. Benjamin B. Magalong at ngayo’y Mayor ng Baguio City ang mga pulis na sangkot at/o may kaugnayan sa tinaguriang pag-recycle o pagbebenta ng mga nakumpiskang droga – partikular ang shabu.

Sa kaniyang paglalahad ay nadawit ang pangalan ng Chief ng PNP na si Gen. Oscar Albayalde na higit isang buwan na lamang ay magreretiro na dahil sa hindi o walang aksiyong ginawa laban sa mga tauhan niyang sangkot sa kaso ng siya pa ang Provincial Director ng Pampanga na nagatungan pa ng salaysay ni PDEA Director General Aaron Aquino na “inarbor” umano ni Albayalde ang kaniyang mga tauhan kay Aquino noong siya pa ang Central Luzon Regional Police Director.

Lumalabas sa pagdinig sa pamumuno ni Sen. Richard Gordon na nagsisinungaling ang mga pulis na sangkot sa kaso kaya lalong umiinit ang mga eksena. Ang eksena ay tila nagiging laro na, “game of the generals” (isang larong kauri ng ahedres na inimbento ng isang Pinoy) kung saan kumpleto rin ang mga tauhan. May mga sundalo (privates),
opisyal, may espiya pa at ang pinakaiingatang piyesa – ang bandila.

Ang mga manlalaro ay pawang mga heneral, galing sa iisang akademya, iisa ang doktrina at disiplina, matatapang at matatalino higit sa lahat may mga katungkulan sa gobyerno. Sa maayos na takbo ng laro ay may “arbiter” na siyang tumutingin kung sino ang panalo o talo.

Upang magwagi sa laro ay kailangang patunayan ni Gen. Albayalde na wala siyang kinalaman sa kaso at higit sa lahat patunayan niya ang kaniyang integridad at kredibilidad (huli na ang reputasyon) sa gitna ng kontrobersiya at sa gitna ng “giyera laban sa droga” ng administrasyon na magiging mantsa sa kabuuan ng PNP.

Dalawa marahil ang natitira niyang pagpipilian, ang bumaba na sa puwesto o ituloy ang laban saan man ito makarating o baka may ikatlo, ang sibakin siya ng Pangulo. Moral na obligasyon naman ang istratehiya ni Mayor Magalong kung bakit buong tapang niyang inilahad ang katotohanan.

Hindi niya makonsiyensiya na walang patutunguhan ang kanilang ginawang imbestigasyon dahil kapag walang kahihinatnan ito ay paulit-ulit lamang ang katiwalian na sa huli ay ang mamamayang Pilipino ang kawawa. Subalit sa likod ng kagitingan ay nalagay naman sa panganib ang kaniyang buhay maging ng kaniyang pamilya dahil sa mga banta, gayundin kay DG Aquino.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na may dalawang heneral ang sangkot sa “recycling ng droga” at ang pahayag na ito ng Pangulo ay tila nagpapatunay na totoo nga ang kalakaran sa PNP ng ilang tiwaling pulis kaya pala di matapos-tapos ang giyera kontra droga dahil paikot-ikot lamang ito.

Ang painit na painit na laro ng mga heneral ay hindi malayong makasira sa isinusulong at pangunahing agenda ng Pangulo na linisin ang bansa sa droga lalo pa’t nauugnay ang hepe na kaniyang iniluklok. Kaya siguro huwag ng patagalin ang laro at kailangan na ang “arbiter” – ang Pangulo, para mamagitan na upang ang tiwala ng sambayanan sa PNP at kapulisan ay hindi masira at mawala. Dahil,”kapag tiwala na ang nawala, bawat paliwanag, di na maunawa.”

PMCJr.

Amianan Balita Ngayon