Gamot o bakuna sa COVID-19 …Kailan?

Sala-salabat na ang mga lumalabas na mga espekulasyon, hakahaka, tsismis at iba pang terminolihiya dahil lamang sa KAILAN KAYA ANG BAKUNA O GAMOT SA COVID? Napakahirap sagutin, di ba? May mga bansa nagpapatutsada na na kesyo meron na raw silang ginagawang hakbang upang makatuklas ng bakuna o vaccine.

Pero teka, pards…sa likud ng kung aling bansa ang naguunahang makagawa ng bakuna….iisa lang ang hinihintay ng bayan: KAILAN? Oo nga, sabihin nating may magagawang bakuna…pero buhay pa kaya ang tao sa daigdig? Aaanhin mo pa ang bakuna kung tepok na ang dapat bakunahan? Aanhin mo pa ang turok kung matigas ng bangkay

ang tuturukan? Di ba? Ang sagot diyan ay PWE???ii$$##!!))&&^^????

Haayy naku buhay nga naman. Dito natin nakilala ang tao sa mundo. Namamayagpag sa mga luho. Hindi preparado sa ano mang delubyo. At nang dumating ang sakuna…saka nagkukumahog na umaangal at nagsisisihan. Tsk tsk…tao nga tayo. Di ba kahit pa noong panahon ni Kristo…mismong siya ang namagitan upang maipadama kung ano ang totoo at maling paniniwala?

Hindi ba’t dahil sa kasalanan ng tao, mismong siya ang nagsakripisyo na maipako sa krus upang isalba ang kasalanan ng sansinuklob? Sa puntong yan at ngayong panahon ng pandemya…ang gusto pa ba ng tao ay pabalikin si Kristo upang muli tayong isalba?

Isang hungkag na utak at pananaw, di ba? Binigyan na tayo ng daan upang tuntunin pero di tayo tumalima. Lisyang daan ang ating tinahak. Kay Barabas o Hudas tayo kumampi. Yan ngayon ang nangyayari sa atin ngayong panahon ng pandemya. Di natin alam kung saan tayo susuling. Sa demonyo o sa matino? Ngayon ang pagsubok.

Dapat ngayon din ang pagtalima kung kanino ka kakapit. E, kaso, sa isyu pa lang ng “Ayuda”…sandamakmak na ang ibinungang problema. Anong dahilan? Natural nasa sandamakmak ding mga taong alipures ng pagsasamantala at mahilig mandakma ng pilak para sa kanilang kapakanan. Ngayon, ang tanong: bakuna bang Covid-19 ang hintay o ang sumpa sa mga mapagsamantalang gahaman sa yaman sa likud ng kabaong ng mga biktima?

Sige balik tayo sa bakuna o gamot sa Corona virus…..na kung saan ang malaking tanong ay ito: KAILAN KAYA ITO DARATING? Sa ating bansa, marami tayong mga iniisip na maaring makatulong sa paghahanap ng bakuna o gamot. May mga pahiwatig na maaring pag-aralan ang “anting-anting” ng ating mga halamang gamot baka sakaling makatulong. Meron diyang “virgin coconut oil”; may “tawatawa”; may “laway”; may “breast milk”; may “lagundi” at marami pang iba depende sa mga nag-eendoso para lamang kumita.

Kulang na lang na pati “dumi ng kuko” ay irerekomenda na bilang gamot “KUNO”. Sus ginoong walang habag….mga, kabalin….mga katropa at karadyo…gamitin nga ang ating nalalabing piraso ng utak-Pinoy na minana natin sa ating mga ninunong di nakaranas ng Covid. Kaya nating labanan ang pandemyang ito.

Huwag lang tayong pasaway. Ang kaso…naka-face mask nga, nakabuka naman ang ilong. Naka-face shield nga, nasa tuktuk naman. Dumidistansiya daw, pero kung seksi ang kasunod, kulang na lang na hipuan sa “tahong”. Ito ba ang solusyon kontra Covid-19? Mariakusina, plantito at plantita….baguhin natin ang ratsada. Kung ano ang alituntunin, (protocol)…sundin. Kung ayaw…bahala kang mangisay, huwag kang mandamay. Period. Adios me amor, chiao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon