GAP, nagdulot ng masaganang ani sa Tublay, Benguet

TUBLAY, Benguet – Nagsagawa ng farm tour ang kinatawan ng EGI Albergo, Inc. at Up North Business Club (UNBC) kamakailan lamang sa Sitio Damsite, Barangay Ba-ayan, sa bayang ito kung saan may 17 iba’t-ibang klaseng pananim na gulay na hindi ginagamitan ng chemical fertilizer, tanging sa pamamagitan ng organic farming lamang.
Pinaunlakan ng Amianan Balita Ngayon (ABN) ang imbitasyon ni EGI Albergo, Inc. general manager Jerry P. Beltran na dumalo sa nasabing farm tour kung saan nakapanayam ng ABN si Asita Mag-ili, isang dating magsasaka na ngayon ay tagumpay nang nakapundar ng sariling niyang lupain sa Buguias, Benguet, na kanyang ginamit sa pagsasaka.
Nakapagpundar si Mag-ili ng 4.2 hektaryang lupain na kanyang tinamnan ng sarisaring gulay at prutas kabilang ang Romain, Lollo Rosso at Green Ice lettuce; Spinach; Wombok; Bok Choi; Fennel; Mint; Taiwan Sili; Japanese Cucumber; Cherry Tomato; Polonchay; Eggplant; Korean Radish; Gabi; Papaya; Banana; Sweet Potato; Sayote; at Beans gamit lamang ang Good Agricultural Practice (GAP).
Sinabi ni Mag-ili na sa kanyang paglahok sa Table Coop sa bayan ng Tublay, Benguet ay napag-aralan niya ang GAP at natutunan niya kung paano ang organic na pagtatanim at ang tamang paggamit ng spray para maiwasan ang panganib at maproteksiyonan ang kalusugan ng tao.
“Ang ginagamit rin namin na tubig sa pandilig ay nanggagaling pa sa spring kaya napakalinis ito at mabilis ang paglago, napakasariwa pa ang mga bunga nito,” ani Mag-ili.
“Nagpapasalamat po kami sa tulong na ibinigay na financial assistance ng Tublay LGU, BSU at sa SWISS na nagbigay ng calamity seedlings para sa mga nabiktima ng nakaraang bagyo,” dagdag pa ni Mag-ili.
Sinabi din ni Mag-ili na umaasa siya na matulungan siya at ang kanyang mga kapwa magsasaka ni incumbent Tublay mayor Armando Lauro na mapadali ang pag-angkat ng mga gulay sa kanila ng mga parokyano sa pamamagitan ng pag-ayos ng farm-to-market
road at rehabilitation ng Baayan road.
Ang grupo ni Mag-ili ang siyang nagsusuplay ng mga gulay at prutas sa Global Dizon Farm, maging ang Albergo Hotel. Ayon naman sa kapwa supplier ni Mag-ili na si Arlene “Lola” Emmon, may ari ng Shayanlene’s Fruits and Vegetable Trading, ay malaki ang naitulong ng magandang kalidad ng gulay at mababang presyo nito, dahil napa-unlakan nito ang Albergo Hotel.
Sinabi ni Mag-ili na kaya nilang sustinihan ang pagsuplay sa mga hotel at restaurant dito sa Baguio huwag lang dapuan ng malakas na bagyo ang kanilang plantasyon.
 
Mario D. Oclaman/ABN

Amianan Balita Ngayon