GCQ na naman, Eh naka move-on na tayo?

Tapik ni Tonying

Nagpupuyos sa galit at sama ng loob ang ilang residente ng Baguio dahil sa umalingawngaw na balita na balik General Community Quarantine na naman ang lunsod ng Baguio at idinamay pa ang buong Cordillera Region at ito ay mula Pebrero 1 hanggang sa Pebrero 28 sus maryusep naman Ka Pabling sabi mo nga naka “Move On” ka na sa GCQ ito na naman tayo .

Kapag GCQ mga kababayan ang mga kailangan mo riyan ay barangay travel pass ito ay kung pupunta ka sa palengke, sa mall o grocery pili lang ang maaring lumabas ng bahay, sa mga bata 15 below hindi pweding lumabas sa bahay at mamasyal ganun din ang mga senior citizen na may edad 65 pataas ay hindi rin pweding kumalat –kalat sa Central Business District.

Maliban sa mga trabahador, o empleyado sa mga grocery, mall o mga opisina at mga APOR, frontliners lamang ang maaring nasa labas ng bahay.

Ngunit sino nga ba ang humiling nitong GCQ sa buong Cordillera? Ayon sa balita ay hindi raw si Baguio Mayor Benjie Magalong kung di ang tanggapan ng Department of Health (national office) raw dahil sa pagtaas ng mga kasong Covid-19 at napabalita pa na may “variant Covid-19” na mga biktima sa lalawigan ng Mt.Province na maaring maapektuhan ang Benguet at ang Lungsod ng Baguio maliban dito ay nagkaroon din ng mali-maling data ng bilang ng mga biktima ng Covid-19 sa lungsod siyempre kritikal yan dahil ito ang nagiging basehan ng DOH na ilunsad ang kautusang GCQ na inaprubahan naman ng national IATF .

Ano nga ba ang mga nakadikit na isyu sa pagkakadeklara ng GCQ sa lunsod at kalakhang Cordillera? Dahil ba sa tumaas ang bilang ng nag positive sa buong Cordillera? dahil ba sa 2 kasong Covid-19 variant sa Mt.Province? Marahil oo dahil nga sa tumaas ang bilang ng mga nag positive sa Covid-19 na siyang ikinabahala ng DOH at ng gobyerno kaya idineklara ang GCQ subalit kung titingnan ang guidelines mas pinaluwag naman nila kung ikukumpara sa mga naunang deklarasyon ng GCQ.

Isang isyu pa na nakapag “trigger” sa usaping GCQ ay ang naganap na “party-party” sa isang hotel sa loob ng Camp John Hay na di-umano ay isang “tourism promoter” ang gumawa ng event na kinasangkapan pa ang mga Igorot na tila ginawang “props” sa mga photo op, isa pa ito sa nagpainit ng tenga ng mga Cordilleran (Igorot) na ginamit ni Tim Yap.

Kunsabagay nag “sorry” naman na si Mayor Magalong ikanga niya ay “Tao Lang” na nagkakamali. Sa usaping ito mga kababayan ay nakita sa post na dumalo si Mayor Magalong at ang kanyang may bahay na si Mrs. Arlene (Magalong) at nagpakuha ng litrato kay KC Concepcion na parehas na walang suot na face mask at face shield ang dalawa maliban kay Mayor Magalong.

Nakita rin umano ng mga netizen na nakipagsayawan pa ang iba sa traditional dance na “Canao” at halos lahat ay wala umanong facemask na suot.

Ang batikos ngayon ay “numero uno” tayo sa buong Pilipinas na may mataas na kaso ng Covid-19, Bakit nga kaya? Sa mga nakausap ko na taga-Baguio ay kaya umano masama ang loob nila sa pamunuan ng lunsod ay dahil ang mga taga-Baguio ay sumusunod sa health protocols, sumusunod sa quarantine na siyang inuutos ni Mayor Magalong ngunit bakit ang mga “bisita” na gumagawa ng “party-party” at namamasyal sa Baguio ay hindi nabibigyan ng kaukulang parusa at tama na pag nagsabi ng “sorry”.

Oo nga naman para bang may kinikilingan ang local na pamahalaan ,isang senaryo nga ay yung taong uminom ng tubig na nasa bote na ibinaba ang face mask at itinaas ang faceshield ay kinasuhan na at inaresto ng POSD.

Ang ibig po bang sabihin ay pag “mahirap” may kaso agad at sesermunan pa? at kapag celebrity at pulitiko na kaibigan na nag “sorry” ay patatawarin na agad?

Well, mga kababayan nakita naman na ninyo at nasaksihan ang mga nangyayari sa Baguio City kayo na po ang bahalang humusga at umunawa sa mga nangyayaring ito. OO, tama naman si Mayor Magalong na “tao lang” nagkakamali at maaring humingi ng kapatawaran, kung Diyos nga e nagpapatawad tayo pa kayang mga “tao lang”?