Gitara ng SAF 44, binuo ng professor

LUNGSOD NG BAGUIO – Bilang pagkilala sa kabayanihan, isang sirang gitara ang binuo ng isang visual artist at professor ng PNP training school, para sa mga nasawing SAF 44, na ang 18 dito ay kanyang naging estudyante.
Sa pamamagitan ng sirang gitara na ginamit pa ng ilang SAF commando ng Cordillera ay dinisenyuhan niya ito na sumisimbulo sa kabayanihan ng SAF 44, na nagbuwis ng buhay para bayan.
“Nakakalungkot talaga at mahirap kalimutan, lalo na’t karamihan sa kanila ay estudyante ko, kaya naisip ko idisenyo ang SAF 44 sa sirang gitara, bilang pag-alaala sa kanila,” pahayag ni Chris Bartolo, na bukod sa pagiging artist ay kasalukuyang radio announcer ng DZWT sa siyudad ng Baguio.
Kasalukuyang professor din siya Philippine Public Safety College-Cordillera Administrative Region Training School (PPSC-CARTS) sa Teacher’s Camp, Baguio City.
Ayon kay Bartolo, ang huli niyang nakasalamuhang police trainee ay si Senior Inspector Joey Sakristan Gamutan, na kumuha ng officer basic course at nang makatapos ay pumasok ito sa SAF at na-destino sa Zamboanga City at makalipas ang limang buwan ay labis ang kanyang pagkalungkot nang malaman niyang kabilang ito sa SAF 44.
Aniya, hindi na niya matandaan ang mga pangalan ng iba pang naging estudyante niya, pero karamihan dito ay mga taga-Cordillera.
Ayon pa rin kay Bartolo, habang naglalakad pauwi ay nakita niya ang isang sirang gitara malapit sa basurahan at kinuha niya at saka dinisenyuhan para maging koleksyon.
Nang malaman ng isang SAF commando na naging kasamahan ng mga SAF 44, na naging kahiligan ng kanyang professor ang pangongolekta ng sirang gitara, ay ibinigay niya ang sirang gitara na ginagamit nila noong nabubuhay pa ang mga kasamahan.
“Lalong naging inspirado nang mahawakan ko ang sirang gitara ng SAF at dito ko naisip na gawing modelo ito sa kabayanihan na ginawa ng SAF 44 para sa bayan,” kuwento ni Bartolo.
Ang gitara ay mga disenyo ng mga baril, granada, mga bala at iba’t ibang kagamitan ng SAF at logo nito na pawang gawa sa recycled materials.
Ayon kay Bartolo, sampung gitara na ang kanyang nagawang disenyuhan na may kanya-kanyang titulo at bubuin niya na maging 12 piraso. Sa ngayon ay sampung gitara na ang kanyang nagawa at kapag nakompleto ay plano niya ito ipa-exhibit sa People’s Park, upang makita ng mga tao ang kahalagahan ng gitara sa buhay ng tao.
“Ang kahalagahan ng sirang gitara na ito ay ang mga disenyo na makikita sa gitara na lumalarawan sa buhay at mga kaganapan ng isang tao. Ang kabayanihan ng SAF 44 ay hindi lamang nakaukit sa ating mga kaisipan, kundi napakahalagang makita natin ang kanilang mga nagawa sa pamamagitan ng pag-ukit, pag-pinta at anumang arts na makakapagbigay buhay sa ating kaisipan,” pahayag pa ni Bartolo.
Aniya, kung sakaling may gustong bumili sa mga gitarang ito ay hindi siya magdadalawang-isip at ang kikitain ay ibabahagi niya sa charity institutions, gaya ng kanyang mga ginawa sa naunang art works. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon