Grade 12 student nagbigti, patay

LA TRINIDAD, BENGUET – Isang grade 12 student ang nagbigti sa loob ng kuwarto, habang ang ama ay abala sa pagluluto ng kanilang almusal sa bayan ng Atok noong Martes, Oktubre 3, ayon sa Benguet Provincial Police Office.
Ayon sa Atok Municipal Police Station, isang empleyado sa Atok District Hospital ang personal na nagreport sa pulisya kaugnay sa isang suicide incident at agad naman itong tinungo ng pulisya at nakilala ang biktimang si Jezreel Martinez Sacley, 20, grade 12 student ng St. Pauls Academy, at nakatira sa Sayangan, Paoay, Atok, Benguet.
Sa salaysay ng ama na si Benny Palasi Sacley, abala siya sa pagluluto ng kanilang almusal dakong 6:30 ng umaga nang namataan niya si Jezreel na pababa mula sa ikalawang palapag ng bahay.
Maya-maya ay namataan niya muling umakyat ito sa itaas at dakong 6:45 ng umaga ay nagtungo siya sa kuwarto ni Jezreel para yayain itong kumain bago pumasok sa eskwela, subalit pagbukas niya ng pintuan ay tumambad sa kanya na nakabigti ng fan belt ang anak.
Agad syang humingi ng saklolo at dumating ang dalawang anak na sina Jeezer at Elizer, na nasa kabilang kuwarto, at mabilis nilang ibinaba ang biktima at isinugod sa hospital, subalit idineklara itong dead on arrival.
Inaalam pa ng pamilya ang sulat na nakita sa kuwarto ng biktima para alamin ang dahilan ng pagpapatiwakal nito. ZALDY COMANDA

Amianan Balita Ngayon