Green zones sa Baguio CBD, isinusulong

Kailangan ng magkaroon ng mas maraming luntiang espasyo at lugar na hingahan sa central business district (CBD) upang sumariwa ang pag-iisip ng tao, ito ang pahayag ni Councilor Elaine Sembrano sa kaniyang panukalang ordinansa.
Sinabi ni Sembrano na nagbigay na ng inisyal na pagsang-ayon ang konseho ng lungsod sa kaniyang panukalang ordinansa na mag-uutos sa mga establisimyento sa CBD na isama sa kanilang business areas, stalls o mga gusali, ang isang green zone upang isulong ang environmentally friendly central business area at tumulong mapaganda ang kuwalidad ng hangin sa sentro ng lungsod.
Ipinaliwanag ng councillor na sa pagkakaroon ng green plants o mga bulaklak na iba’t ibang kulay ay magbibigay ng magaan na pakiramdam sa mga pagod na trabahador, maliban sa kagandahan at kontribusyon sa kapaligiran na dulot ng mga halaman.
Ayon pa kay Sembrano ang green building technology ay nagiging uso na tugon sa isang lumalaking problema sa epekto ng global warming at ang mga halaman ay humihigop ng carbon dioxide na ibinubuga sa hangin ng mga pollutant kabilang ang aktibidad ng tao at ang paglalagay nito ay makakatulong sa paglilinis ng hangin.
Sinabi pa niya na maraming tao ang hindi na pumupunta sa outdoor parks at playground dahil gusto na lamang manatili sa mga mall at shopping centers at ang pagtatalaga ng green zones ay makakatulong linisin ang hangin para makahinga ang publiko sa kulong na konkretong mga lugar. Ipinaliwanag pa ni Sembrano na ang kaniyang panukala ay kabilang ang commercial buildings gaya ng malls, shopping centers, fatsfood centers, amusement centers at iba pang kauring establisimyento.
Sakaling maaprubahan ay magbibigay ang pamahalaang lungsod at City Environment and Parks Management Office (CEPMO) ng mga halaman na ilalagay ng mga may-ari ng establisimyento sa kanilang green zones.
“The CEPMO will be responsible in propagating and making available at the city nursery the appropriate indoor and outdoor plants to be given to the owners or managers of the commercial establishments for free,” ani Sembrano. LIZA AGOOT, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon