GUARANTEE LETTERS AT VAT-EXEMPTION, MAPANATILI AT HUWAG HUMANGGA NA PANGAKONG POLITIKA LAMANG

Pinuri ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagpapalawig nito sa paggamit ng guarantee letters (GLs) upang tulungan ang mahihirap na pasyente na makakuha ng mahalagang de-resetang mga gamot, at mga batang may espesyal na mga pangangailangan na makakuha ng kailangang-kailangan na mga therapy sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations AICS) program.

Inihayag ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na pumasok ang DSWD sa isang memorandum of agreement (MOA) sa ilang pribadong drug store, kabilang ang Rose Pharmacy, South Star, at The Generics Pharmacy, habang sa kasalukuyan ay tinatapos din ang kasunduan sa higanteng pharmaceutical retail store na Mercury Drug. Puwede nang pambayad ang mga Guarantee Letters (GLs) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa
pagbili ng mga gamot sa mga pribadong botika ng mahihirap na Pilipino.

Ang AICS ay isa sa mga social welfare services ng DSWD na nagbibigay ng medikal, libing, transportasyon, edukasyon, pagkain, o pinansiyal na tulong sa mga taong nasa krisis na sinuri ng mga social workers. Nauna dito ay nakipagsundo ang DSWD noong Agosto 10 sa 25 bagong service providers upang masiguro ang mas mahusay na paraan upang makakuha ng mga indibiduwal na nasa krisis na kondisyon ng kanilang pangangailangang medikal.

Isa pang magandang balita ay ang pagbibigay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng exemption sa 15 pang gamot laban sa cancer, high cholesterol, hypertension, at mga mental illness mula sa value-added ta (VAT). Ang mga medisina sa cancer gaya ng Avelumab, Acalabrutinib, Olaparib, at Trastuzumab ay VAT-exempt na ngayon. Para sa mga mayroong high cholesterol ay wala nang VAT na ipapataw sa Rosuvastatin. Para sa hypertension naman na Olmesartan medoxxomil, Perindopril, at Indapamide+Amlodinpine ay libre na rin sa VAT.

Samantala, para naman sa mga mayroong mental illness, ang Sodium Valporate at Valporic Acid ay wala na ring
VAT. Noong Enero ay inilibre ng BIR ang 21 gamot mula sa VAT at 20 pa noong Marso ang inalisan ng VAT. Ayon sa ahensiya, ito ay pinakabagong listahan ng mga VAT-exempt na mga droga at medesina sa ilalim ng Section 109(AA) ng National Internal Revenue Code of 1997 na inamiyendahan ng TRAIN Law at CREATE Act.

Isang masaklap na katotohanan na dahil sa napakamahal na halaga ng pagpapagamot gayundin ang presyo ng mga pangunahing gamot para sa mga maysakit, particular sa cancer ay napipilitang bumaling ang mahihirap na Pilipino sa alternatibong gamutan kung saan kalimita’y nauuwi sa mas lalong kapahamakan dahil sa mapanlinlang na mga pangako at hindi makatotohanang sinasabi ng mga ito. Tila nagiging “parusang kamatayan” para sa mga maysakit ang mala-langit na presyo ng mga gamot.

Sa kawalan ng pera ay wala na silang magawa kundi hintayin na lamang ang kanilang kamatayan – ng unti-unti. Dito sa Pilipinas, ang halaga ng gamutan sa cancer ay nasa mula PhP120,000 hanggang PhP1 milyon at ang tinatayang presyo ng chemotherapy kada sesyon depende sa uri ng cancer ay nagsisimula sa PhP20,000 hanggang sa
lampas PhP120,000. Sa datos mula sa Cost of Illness of Cancer Survey ay nakitang ang mula sa bulsa ng pasyente ay pangunahing saklaw ang direktang gastos ng inpatient at outpatient na bumibisita kapuwa sa mga pampubliko at pribadong mga ospital.

Para sa bisita ng outpatient, ang kanilang gastos sa mga pampublikong ospital ay tinatayang nasa 29 porsiyento ng direktang halaga kabilang ang gastos sa gamutan, hospital charges, laboratory costs, at halaga ng gamot ay pinapasan ng mga pasyente. Sa kabilang banda, ang mga pasyenteng kumukuha ng gamutan sa mga pribadong ospital ay pinapasan ang 64 porsiyento ng outpatient expenses. Samantala, sa datos ng PhilHealth ay makikitang ang financial protection ay saklaw ang isang malaking bahagi ng gastos ng inpatient na mga pasyente sa mga pampublikong ospital na 64.23 porsiyento at 9.43 porsiyento naman sa mga pribadong ospital.

Ang paglibre ng BIR ng VAT sa mga ilang gamot at medesina sa cancer ay malaking tulong na kahit papaano ay makakagaan sa mabigat na pinapasan ng mga pasyente ng cancer. Gayundin ang mga Guarantee Letters para sa mahihirap na Pilipino ay malaking kahingahan naman para sa kanila. Ang hiling lamang marahil ng bawat Pilipino ay mapanatili ito, mapaghandaan ang pondo at huwag sanang humangga lamang sa pangako ng politika.

Amianan Balita Ngayon