GULAY SA ATOK NABALOT SA MAKAPAL NA ANDAP

ATOK, Benguet

Nabalot ng makapal na yelo ang mga pananim na gulay ng ilang magsasaka sa Paoay, Atok sa Benguet dahil sa napakalamig na temperatura. Ayon sa magsasakang si PJ Haight, ngayon lang sila
nakaranas ng makapal na andap o frost sa kanilang mga pananim. Nararanasan ang andap kapag masyadong mababa ang temperatura sa isang lugar dahil sa epekto ng northeast monsoon o hanging amihan.

Bagama’t may mga istratehiya naman ang mga magsasaka para huwag masira ang kanilang mga pananim sa tuwing tatama ang frost, malaki pa rin ang kanilang lugi kapag sumasapit ang ganitong
panahon. “’Yung 1st class na cabbage naging 2nd class. Bababa ‘yung price kasi kung for example P30 yung 1st class, 2nd class P20 pesos, bale may P10 yung difference niya,” ang paliwanag ni Haight.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa 14.9°C ang temperatura na naitala sa Benguet State University sa La Trinidad,
Benguet noong Huwebes ng umaga (January 26). Ayon kay PAGASA Baguio Observatory Senior
Specialist Engr. Larry Esperanza, hindi pa ito ang pinakamababang temperatura kaya inaasahan pa ang pagkakaroon ng andap sa Benguet.

“Magpi-peak pa yun sa February, so that means baka magkaroon pa sila ng mga frost doon. Doon kasi sa mga record natin almost February lowest temperature natin na naitatala,” ang paliwanag ni Esperanza. Sa kabila nito, tiniyak naman ng mga magsasaka na hindi maaapektuhan ng andap
ang isinu-supply nilang gulay sa Metro Manila.

Amianan Balita Ngayon