GUO HULI NA… ANO ANG SUSUNOD NA EKSENA?

Sa lupit ng paghahagupit ng bagyong si Enteng, maraming nawalan ng buhay, tirahan, nasiraan ng ari arian at negosyo sabay sa mabibigat nating problema . Nariyan ang paghahanap pa kay Pastor Apolo Quibuloy, paghihintay sa paglantad nina Teves at Bantag, ang pagtakas ni Banban Mayor Alice Guo kamakailan at tensiyon pa sa West Phil. Sea dahil sa Tsina. Ating hihimay-himayin ang mga isyung ito: Unahin natin si Mayor Guo. Sa huling ulat, nahuli na siya sa Indonesia. Kinumpirma ito ng mga otoridad ng Indonesia ganun din ng ating embahada roon.

Isang malaking kaganapan ito upang muling mabuksan ang mga kontrobersiya hinggil sa POGO at iba pang isyu. Ayon sa ulat, pagkatapos siyang maproseso ng DILG at NBI, siya (GUO) ay idederetso na sa Senado para sa kanyang kustudiya. Senado lang kasi ang may naipilang kaso at wala naman sa NBI, PNP o sa DOJ. Nakahanda na rin ang Senado sa mga susunod nilang hakbang kapag maisasalang na si Guo sa hearing. Maaring unang mahahalukay ay kung papano siya nakatakas. Sinu sino ang mga nagpalusot sa kanya o magkano ang ibinayad. Sinu-sino rin ang mga tumanggap sa kanya sa mga bansang kanyang pinuntahan upang magtago.

At siyempre, ang pinaka ay ang operasyon ng POGO sa kanyang nasasakupang bayan . Maari ding maungkat kung may kinalaman pa ang POGO sa Tarlac doon sa POGO sa Cebu kung saan may 169 na dayuhan ang nahuli kamakailan. Hintayin muna natin kung ilan ding ulo ang pagugulungin ni Pres. Bongbong Marcos Jr. na nagpatakas kay Guo. Ikalawang kontrobersiya ay ang paghahanap pa rin kay Pastor Quibuloy sa KOJC ng Davao. May upak ang mga miyembro ng sektang ito sa nakita nilang pagkilos ng mga kapulisan kamakailan.

May mga dala kasi silang sako ng semento, graba at iba iba pang kagamitan. Para saan daw kaya ito? Ano ang kanilang sesementuhin? Kamakailan, may nakita silang tunnel at hinahalukay pa kung saan ito patungo at saan pa ang mga lagusan. Naiisip tuloy ng marami na baka matagal nang nakatakas si Quibuloy dahil sa mga tunnel na ito. Pinangangambahan ng mga miyembro ng KOJC na baka may masisirang mga gusali dahil sa mga ginagawa raw ng mga pulis. Sabi pa ng ilan…kung wala na si Pastor Quibuloy sa loob ng compound ng KOJC…bakit nandun pa rin ang mga puwersa ng PNP at may dagdag pang mga sundalo.

Nang makunan nga ng panayam si VP Sara hinggil sa kung alam niya ang kinaroroonan daw ng pastot ay nakangiti pa siyang sumagot na…”baka nasa langit na siya”. Biro man ito, pero dahil nagmula ito sa isang bise presidente, hindi maalis ang mga hakahaka. Idagdag mo pang kontrobersiya ay ang mga nagaganapa sa West Phil. Sea. Kamakailan , binangga na naman ng China Coast Guard ang isa nating Phil Coast Guard vessel. Nabutas pa nga at may nasirang gamit. Di pa sila nakuntento sa pambubully, nagdagdag pa sila ng mga barko, ayon sa kay Phil. Navy Rear Admiral Roy Vincent Trinidad.

Kung dati ay 169 noong Agosto 20-23…naging 203 na ngayon na binubuo ng Chinese Maritime Militia vessels, Chinese Coast Guard vessels, siyam na People’s Liberation Army Navy warships at iba pang sasakyang pan dagat-pandagat. Ano ba ang gusto nilang ipakita? Iisa ang paninidigan ng ating puwersa nabal: ipagpapatuloy ang mandato para bantayan ang soberenya at integridad ng ating teritoryo….anuman ang mangyari. Dalangin natin na sana ay lumamig na ang tensiyon. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon