NITONG MGA HULING araw, patuloy ang mga paramdam, pabulong, pahimas-himas na sadyang pinaiingay upang bigyan ng bagong kulay ang pag-tutunggali sa pormal na halalan. Hindi mapigilan ang mga ganitong girian, gayung halos isang taon pa ang salpukan sa larangan ng pulitika. Hindi mapigilan ang mga tinig na humuhulagpos, mga
tinig ng kami rin inyong dinggin. Iba’t ibang tinig, kahit na mamaos ang boses, pero epektibo pa ring mga paramdam at parinig at paghaplos maiukit lang sa isipan ng mga botante.
Suriin nga natin ang mga pangalang tila mga kabuting nagsusulputan. Tunay na matindi ang tawag ng pulitika. Kahit na isang taon pa ang salpukan, sige na, pakawalan na ang mga atubili, maiparinig lang ang tinig, maiparamdam lang ang hangarin na kami pa rin, kami naman. Sa pagka-Congressman, ilang mga pangalan ang ngayon pa lang ay pumapaimbulog na sa papawirin, parang mga ulap na sumasayaw sa hihip ng hangin. Nandyan ang asawa ng kasalukuyang may hawak ng pwesto at ngayon nga ay kakandidato daw na kanyang kapalit.
Nandyan din ang mga pangalan ng minsan ay naging mga lider ng lungsod. Ang isa nga ay pababalik-balik sa
pwestong Congressman at City Mayor. Ang iba mga pangalang ating naririnig ay yaong mga nakapagsilbi ng minsan sa iba’tibang posisyon, ngunit tila hindi masawata ang ambisyon. Ang tanong nga ng karamihan– lalo’t higit ng mga akala mo ay may galing at husay na basahin ang rumaragasang mga pangyayari. Nang marinig na mag-asawa ang ipinaparada, taas-kilay sila. Wala na bang iba? Parang ang siste ay pare-parehong mga ngalan ang ibinubuga sa kaitasan. Oo nga naman, wala na bang iba? Sila na lamang ba ang may kakayahan na mamuno?
Larong pulitikang napaka-aga ang naririnig na bukam-bibig ng mga taong ang silbi yata sa lungsod ay basahin ang mga kilos, galaw, at pananalita ng mga nakaaalam. Kaya naman, ang mga isyung bumabalot ngayon sa lungsod ay tanggap na kahit na napaka-aga. Sa nasyonal, usapang Duterte ang pinakamatindi. Sabi ng mga DDS loyalist, okey lang na tatlong Duterte – ang ama na dating presidente at dalawang anak na lalaki na pawang naka posisyon sa local na pagsisilbi. Silang tatlo daw ang sabay-sabay na magpapaingay sa Senado.
Akalain mo, tatlo sila at kung idagdag ang mga maka-DDS – si Robinhood, si Bato, si Glorified Go at mga kaalyadong Utol ng Bayan, Imeng laging may sosolusyonan kung anong problema ang uunahin, at Leon Guerrerong dala pa rin ang kabayo – aba eh malakas na puwersa iyan na lahat ng panukalang galing sa Palasyo ay dadaan sa butas ng ating mga ilong. Ano ba yan, sila sila na naman ang mamamayagpag? Akalain mo, mag-inang Villar naryan na, bumubuntot naman ang isa pang Villar na ngayon pa lang ay todo anunsyo na ng kanyang pinipwestuhan.
Nandyan din ang magkapatid na Cayetano – si Pia at si Alan – na ni wala nga tayong marinig nitong mga nakaraang araw, lingo at buwan. Family enterprise and tawag ng karamihang botante – mag asawa, magkapatid, mag-ina, mag
ama. Kanya-kanyang kapit sa anumang makukupit. Idagdag pa dyan ang mga walang hunos dili na Senador na pawing walang ka-silbi silbi, walang kahala-halaga.
Mga ngalang pampelikula ang dating, kasi nga ay laki sa puting tabing. Kaya naman, bago pa man tayo malunod sa dagsa ng pagkabalahura, usapang pulitika, maghunos-dili na lamang tayo at huminto habang namamayagpag ang mga naluluha na sa mga ambisyong lampas-langit. Sige mangampanya na kayo. Kahit paano, makababawi ang taong bayan na kay tagal ng naghihintay ng ayudang bubuhay sa kanila. Hala, bira!
August 17, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
August 31, 2024