Hagupit sa kabayo, kay Juan naman ang latay

Editorial

Matapos ipatupad ng gobyerno ang Republic Act (RA) No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ay unti-unti o dili kaya’y biglang naramdaman ng taong-bayan ang malaking epekto nito lalo na sa mahihirap at mas mahihirap. Nauna rito ay ang paniniguro ng Kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) na ang “epekto ng TRAIN Law sa presyo ng mga basic at prime commodities ay magiging minimal o halos walang pagbabago”.

Ang paninigurong ito ay nakikita nila hanggang Enero 15 dahil diumano’y marami pang old stocks na ibebenta, subalit paano na kung ubos na ang old stocks? Sa ngayon ay maraming mga mamimili na ang nagrereklamo dahil sa sobrang taas na raw ang presyo ng mga bilihin kahit pa iniutos ng DTI na sundin nila ang Suggested Retail Price (SRP). Nagbabala ang DTI sa mga negosyante na huwag lalagpas sa 10% ang kanilang ipapatong sa mga paninda dahil kung hindi ay makakasuhan sila ng “profiteering” na may kaukulang multa at kaso.

Bagama’t pinapaigting ng DTI ang kanilang monitoring sa pagsunod ng SRP ay hindi lahat ng lugar ay natutugunan nila ito. Halos sa mga lungsod at pangunahing bayan lamang nila natutukan ang pagmomonitor kaya paano na sa mga lugar na hindi nila napupuntahan. Dito umiiral ang pagtaas ng mga presyo na lagpas sa takdang SRP.

Naging rason pa ng mga nagsasamantalang negosyante na “out of stock” na raw ang ilan sa kanilang produkto kaya nagtataas na sila ng presyo, dito ay wala nang magagawa ang mga mamimili kundi ang bumili sa mataas na presyo o hindi na bumili.

May katotohanan na ang SRP ay nararamdaman lamang sa malalaking groceries at merkado hindi na ito umiiral sa mga komunidad at mga probinsiya.

Mukhang napadali talaga ang pagpapatupad ng TRAIN Law dahil nakikitang walang naging koordinasyon sa mga may kinalamang ahensiya ng gobyerno dito. Gaya na lamang nang ipinatupad na ito ay wala pang inilalabas na Implementing Rules and Regulations (IRR) kaya tuloy ang mga negosyante ay kani-kaniya ng diskarte upang kumita pa rin na tiyak na tatamaan ay ang mga nasa babang mamimili.

Mahalaga sa isang mahirap na Pilipino ang ilang sentimo na itinaas sa presyo ng mga produkto at sa pagtaas na ito ramdam nila hanggang buto na iniinda hanggang sumakit ang ulo at lagnatin… PMCJr.