“Hahayaan bang sumiklab muli and karahasan sa La Union?”

Nagbabadyang sisiklab muli ang karahasan sa La Union bago ang halalan sa 2022, kung ang “death squad” na pinapatakbo ng isang dating PNP Colonel ay papabayaang maghasik ng kaguluhan.

“Well-funded” ang gun-for-hire group, na ilan lamang sa mga kasapi’y nahuli ng La Union police.

Nagmamantini ito ng safehouses sa apat na bayan ng La Union at mga sasakyang gamit sa “modus” nila. Dating mga militar at pulis ang mga kaanib sa kinakatakutang grupong ito, na ayon sa pulisya, ay pinamumunuan ni dating PNP Colonel Winston Magpali.

Nahuli matapos ang pagpaslang sa farm caretaker sa Bacnotan noon Hunyo 23, 2021 sina Alan Alegria (alyas Major Allan Rashid Ortega), isang enlisted Philippine Marines; dismissed Patrolman Rogie Ege; Jomar Magpali, na kapatid ni ex-PCol. Magpali, at Police Master Sgt. Adonis Bayan.

Si Ege ay AWOL PNPSAF na security guard sa isang sikat na resort sa San Fernando City, LU. Agad “sinaklolohan” ng isang abogado ang mga nahuli, rason kung bakit napakalakas ang kutob ng otoridad na matibay ang armadong sindikatong ito dahil sa suporta ng kanilang “principal” (amo).

Nawa’y hindi mapako ang pangako ng pulisya na habulin si Magpali at iba pang kasapi ng “death squad” at uusisain ang puno’t dulo ng pagpatay sa caretaker. Magpatuloy sana ang La Union at Ilocos region police na wakasan ang karahasan dahil lubos ang takot ng mga mamamayan ng LU na naghahanda na ang grupong ito sa mga “high-profile targets” na gustong ipatumba ng umaaruga sa kanila.

Sana masukol din ng otoridad kung sino ang amo ng Magpali gun-for-hire group at mapanagot sa mga karumaldumal na mga pagpatay na kinasangkutan nila.

Bago ang halalan noong 2019, pinaslang sila: Balaoan Vice Mayor Alfred Concepcion (November 14, 2018); Sudipen Mayor Alexander Buquing (October 1, 2018 at dating Second District Rep. Franny Eriguel (May 12, 2018). Ang grupo ni Magpali ang hinihinalang nasa likod ng mga nasabing pagpatay. Guns…goons…. gold…. kailan ka titigil?

Amianan Balita Ngayon