Halalan 2022 sumisilip na, handa ba tayo kahit may pandemya?

Editorial

Mahigit isang taon na tayong nakikipaglaban sa COVID-19 at patuloy na pinapadapa ng pandemyang dulot nito. Magdadalawang taon nang nakikipagpatintero tayo sa sakit na dulot ng coronavirus, sadsad na ang ekonomiya, marami na ang nawalan ng trabaho, napipinto na ang labis na paghihirap at pagkagutom ng mga kapos, libo-libo na ang namamatay at mag-iisang milyon na ang mga nagkasakit na patuloy pa rin dumaragdag ang mahigit sampung libong kaso araw-araw.

Bagamat nakapagsimula nang mabakunahan ng mga unang prayoridad na mga health workers at frontliners ay maliit na porsiyento pa lamang sa kanila ang nababakunahan at ilan pa lamang ang nababakunahan sa mga senior citizens at ibang nasa prayoridad. Naudlot ang pagdating ng mga karagdagang bakuna na bagaman may pangako na maraming bakuna ang darating ay hindi pa matiyak hangga’t dumating na nga dahil tila nagkakaipitan ang pamamahagi para sa mga mahihirap na bansa, kasama ang Pilipinas.

Isang taon na lamang ay gaganapin ang pambansang halalan, ihahalal ang susunod na Pangulo ng Pilipinas, Pangalawang Pangulo, mga Senador at Kongresista hanggang sa local government units. Noong Setyembre 24, 2020 ay pinalutang ni Congressman Mikey Arroyo ng 2nd District ng Pampanga at House Deputy Majority Leader ang ideyang pagpapaliban sa 2022 elections dahil sa pandemya sa COVID-19. Ang ideyang ito ay isang sorpresa para sa marami ngunit hindi sa mga taong may kinalaman sa halalan.

Totoo naman, tunay na nakakatukso ang panukalang pagpapaliban sa halalan 2022 lalo na sa mga kasalukuyang nakaupo na may pansariling interes at ang pandemya at krisis sa kalusugan ay napakagandang pagkakataon na maging dahilan, dahil ang pagsasagawa ng halalan ay kasalungat ng hinihingi ng mga hakbang upang labanan ang virus gaya ng physical distancing.

Maaaring walang legal na basehan upang maipagpaliban ang halalan ngunit kung titingnan ang nakasaad sa Article VII, Section 4 ng 1987 Saligang Batas…”Unless otherwise provided by law, the regular election for President and Vice-President shall be held on the second Monday of May (hanggat walang ibang itinatadhana ng batas, ang regular na halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo ay idaraos sa ikalawang Lunes ng Mayo).”

Ang teksto na “hanggat walang ibang itinatadhana ang batas” ay maaaring ipakahulugan na maaaring itakda ng Kongreso ang halalan sa ibang petsa kaya ang sagot ni Chairman Sheriff Abas ng Comelec sa tanong ay kapuwa nasa lehislatura, Senado at Kongreso, at ng Pangulo ang desisyon dito.

Samakatuwid ang legal na debate ay nasa lawak ng interpretasyon sa kaunawaan ng Kongreso na itakda sa ibang petsa ang nasabing halalan na maaari bang gawing walang takda o sa pagkakataong ito ay depende kung kailan matatapos ang pandemya. Agad tinutulan ng ilang mambabatas ang panukalang ito dahil ito raw ay labag sa konstitusyon at baka magkaroon ng isang “konstitusyunal na krisis” kung ipagpapaliban ang 2022 pambansang halalan dahil sa pandemya ng COVID-19.

Ang pagkansela o pagpapaliban sa halalan ay magbibigay-daan para sa pagpapalawig ng mga termino ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, 12 Senado, mga kinatawan ng mga distrito gayundin ng mga halal na opisyal ng lokal na gobyerno lagpas ng Hunyo 30, 2022 ay maliwanag daw na paglabag sa Saligang Batas.

Maaaring ikatuwiran na babagsak sa “force majeure” o di-pangkaraniwang pangyayari na hindi makayang kontrolin subalit sa halos dalawang taon na palugit na panahon upang tugunan ang pandemya ay maaari pa bang tratuhin ito bilang isang “force majeure” dahil sa ilalim ng umiiral na batas, para sabihin na di-pangkaraniwan at hindi makayang kontrolin ang isang pangyayari ay kailangang ito ay “hindi-inaasahan o hindi maiwasan” at hindi maaaring idahilan dahil may panahon pa raw.

Marami nang mga bansa ang nairaos ang halalan nila sa gitna ng pandemya, kung kinaya nila ay bakit hindi natin makakaya? Subalit sa takbo ng biglang pagdami ng nagkakasakit at ang pagtataya ng Octa Research Group na maaaring sa katapusan ng Abril ay lagpas na sa isang milyon ang mahahawaan kung hindi mapigilan ang pagdami, labing-tatlong buwan pa bago ang halalan at kung hindi nakontrol ang pagbulusok ng mga kaso ng COVID-19 ay nakakakilabot ang mangyayari.

Dahil sa pagkaantala ng pangmaramihang pagbabakuna at kahit pa mabakunahan ang target na bilang ay matagal pa bago makamit ang tunay “imunisasyon”. Sinisiguro ng Commission on Elections na handa na raw silang idaos ang halalan sa 2022 kahit pa sa gitna ng pandemya, ang tanong ay…handa rin ba ng lahat ng boboto?