Halalan sa Cordillera, maayos at payapa – Comelec

LUNGSOD NG BAGUIO – Maliban sa itinuturing na maliit na insidente na agad namang nasolusyunan sa Abra ay iniulat ng Commission on Elections (Comelec)-Cordillera na walang malaking insidente na may kaugnayan sa halalan ng barangay at Sangguniang Kabataan noong Mayo 14 at nagdeklara ng payapa at maayos na eleksyon.
Ayon kay Comelec Cordillera Regional Director Julius Torres, hanggang 4pm ng araw ng halalan ay walang naitalang anumang election-related violence.
Ang assessment ni Torres ay batay sa mga ulat ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at mga election officers sa anim na probinsya at dalawang lungsod ng Cordillera.
Aniya, ang payapang halalan ay bunsod ng pagtutulungan ng PNP, AFP at komunidad.
Dagdag pa niya na naging maayos ang eleksyon sa lahat ng lugar maliban sa maliit na pagtatalo sa Abra, na agad namang napayapa ng mga election personnel.
Sinabi rin ng opisyal ng Comelec na walang polling precinct ang nagdeklara ng “failure of election” sa kabila ng pag-ulan na nagdulot ng pagsasara ng ilang kalsada, ayon sa ulat ng Cordillera Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC).
Nauna rito, sa isang Joint Regional Monitoring Council ay iniulat na 114 sa 1,176 barangays sa Cordillera Administrative Region ang pinasok na ng communist terrorists at idineklarang election hotspots.
Naitala rin na 142 barangays ang walang telecommunication signal at 217 barangays ay maaari lamang marating sa pamamagitan ng paglalakad o pagsakay sa bangka.
Ang Cordillera ay may kabuuang 1,176 barangays, na sinasaklaw ng 6,413 precincts, 3,243 clustered precincts, at 941,696 voters.
Sinabi ni Torres na inaasahan ng Comelec na mababa ang “turnout of voters” dahil sa manual ang isinagawang eleksyon.
“In the past elections, where the conduct was done manually, there was only 60 to 65 percent voter turnout compared with the 81 percent highest recorded voter turnout during the last automated election in 2016,” ani Torres. P.M.GEMINIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon