“Hamon ng mga isnag at kalikasan ng Apayao, Tutugon ka ba?”

Malimit marinig ang Apayao province. Nitong pandemiya, bilang lang ng na-Covid at kakulangan ng pagamutan ang halos kinaringgan sa probinsya. Limitado rin ang kaalaman ng nakararami na namuo na ang puot ng mga “Isnag”, lalo na sa bayan ng Kabugao at Pudtol dahil sa napipintong Abulog-Gened Dam sa ilog Apayao-Abulug, na sisira sa isa sa mga natitirang “key biodiversity areas (KBA)” sa bansa.

Maapektuhan ng itatayong Abulog-Gened dam ng Pan Pacific Renewable Power Philippine Corporation (PPRPPC) ang tirahan ng 105 plant species, 51 bird species, kasama ang Philippine duck— “Anas Luzonica” at labing-isang species ng amphibians at reptiles na nakatira doon.

Nitong Abril 19, 2021 nagpatawag ang Local Government Unit ng pagtitipon upang repasuhin ang draft memorandum of agreement, ngunit binulag ang mga Isnag sa laman nito at walang nangyaring pagrepaso. Nabulaga na lamang sila nang sumunod na araw, may pirmado nang MOA na puno ng mapang-aping laman at pekeng mga pirma.

Mula pa noong 2016 nang subuking kumuha ng Free and Prior Informed Consent (FPIC) ang Pan Pacific, mariing nirehistro ng mga Isnag ng Pudtol at Kabugao ang pagtutol sa paniwalang ilulublub ng dam ang kanilang komunidad, mas palalalain pa ang pagbaha sa Cagayan at sisira sa biodiversity ng bansa.

Sa katunayan, ang P19.8B, 160MW, 60-meter Abulog- Gened dam ay maglulubog sa barangay Lt. Balag sa Pudtol at barangays Waga, Bulo, Laco, Magabta, Poblacion, Badduat, Luttuacan, Nagbabalayan at Cabetayan sa Kabugao.

Noon pang Pebrero 2019, inirehistro na ng mga Isnag ang pagtuligsa sa kanilang “Resolution of Non-consent” sa pagtitipon sa Poblacion, Kabugao. Ngunit umapila ang Pan Pacific at dinala ang piling nakatatanda sa isang hotel sa Tuguearao City noong Marso 19, 2019 na nagresulta ng resolusyong “Yes for negotiation only”.

Naisakatuparan na naman ang isa pang pag-uusap noong Enero 15, 2021 sa Poblacion, Kabugao na dinaluhan ng 300 nakatatanda at pinunong Isnag kung saan binawi ang “Yes for negotiation only” at nagkaisang tutulan ang proyekto sa pamamagitan ng “A Resolution Strongly Expressing Our Opposition and Banning of the Proposed 150 MW Gened 1 HEPP of Pan Pacific Renewable Power Philippine Corporation (PPRPPC) and Withdrawing Our Yes to Negotiation Only Consent from Continuing the FPIC Process in Whatever Stage”.

Sa kabila ng pagtutol ng mga Isnag, ay paghamon ng kalikasan sa Apayao. May tutugon ba?

Amianan Balita Ngayon