Hamon sa pagbibigay edukasyon sa lumalaking populasyon

Patuloy na nahaharap ang Pilipinas sa ilang mga hamon pagdating sa pagsisikap na isulong pa ang kwalidad ng edukasyon nito. Ang mabilis na paglobo ng populasyon, kakulangan ng pamumuhunan, pabago-bagong timpla ng ekonomiya, mga usaping kultural at social, mga kalamidad at mga armadong engkuwentro sa pagitan ng gobyerno at mga kalaban ng estado ay nagbibigay sa mga “education planner” ng mas mabigat na trabaho.
Ang pagdami ng populasyon ng 1.9% kada taon ay nagbibigay sa bansa ng napakalaking bilang ng kabataan. Ito ang nagbunsod sa student/teacher ratios sa ilang paaralan sa ilang bahagi ng bansa hanggang 80:1 na lebelo na kung hindi ito masolusyunan ay baka lumaki pa ang agwat sa hinaharap na mga taon ayon sa mga eksperto. Sa ganitong sitwasyon ay hindi nakapagtataka kung maraming employer, politiko at mga magulang ang nagrereklamo ng pababang istandard ng edukasyon.
Bilang tugon ay isinabatas at ipinatupad ang K to 12 program kung saan dinagdagan ng dalawang taon ang sekondarya para sa kompulsaryong edukasyon. Maihahatid daw ng programang ito ang bansa sa hilera ng pandaigdigang panuntunan. Itong taon lang ay nagtapos ang unang “batch” ng K-12 sa kabila ng kakulangan sa pondo at guro at agam-agam ukol sa bagong sistema. Bagama’t maaari ng makapagtrabaho ang mga nagtapos ng “senior high school” ay kailangan pang mapatunayan ang kanilang kakayahan at karunungan na tinamo sa maikling panahon.
Kailangan pa ring itaas ng gobyerno ang “participation and completion rate” para sa bansa. Sa kabila ng libreng matrikula sa elementarya ay malaking porsiyento pa rin ng kabataan ang hindi nag-aaral. Sa taong ito ay nasa 28 milyong mag-aaral ang papasok sa paaralan sa buong bansa. Sa datos ng DepEd ay 4.8 milyon ang out of school children and youth (OSCY) sa taong 2015-2016 na 11 porsiyentong pagtaas sa loob ng limang taon. Ang bilang ng OSC sa elementarya ay naging triple, mula 431,000 noong 2011 sa 1.4 milyon sa taong 2015 habang sa sekondarya ay nasa 3.4 milyon.
Kailangan pa ng mas maraming silid-aralan. Ayon sa pinakahuling datos ng Department of Education ay kasalukuyang nasa 48,446 paaralan ang nasa pamamahala ng departamento kung saan 40,763 dito ay elementarya at 7,683 ang sekondarya. Sa elementarya, 36,492 dito ang pampubliko at ang natitira ay pribado na, habang 4,422 sekondaryang paaralan ay pampubliko at ang natitira ay pribado.
Sa pag-usad ay mahaharap ang sektor ng edukasyon sa isang panahon ng seryosong mga hamon. Ang pagbibigay ng akma at tamang pondo (20% ng pambansang badyet) para sa sistema na nasa ilalim  ng nakakabahalang paglawig ng populasyon, habang hinaharap din ang “demand” mula sa mga employer para sa mas kuwalipikado at mahusay na mga estudyante,  ay nangangailangan ng ilang  masusing pagmumuni-muni sa mga lebelo ng polisiya at praktikalidad.  Samantala, ang pangangailangan para sa pribadong edukasyon ay mukhang nananatiling mataas sa mga may-kaya nito, habang ang agwat sa pagitan ng pampubliko at pribadong mga paaralan ay patuloy na lumalawak. Kung paano babaguhin ito ay magiging isa sa pinaka-importanteng mga hamon para sa administrasyon, gayundin sa susunod pang mga taon.  Kailangan na ng mas intensibo at sama-samang paggawa ng DepEd at lahat ng stakeholders ng edukasyon upang dalhin ang ating kabataan sa paaralan, dahil sila ang pag-asa ng bayan.                     PMCJr.

Amianan Balita Ngayon