“Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay”

Sa pagdaing ng ating mga magsasaka ngayon ay tila naakma ang lumang kasabihan na, “hampas sa kalabaw sa kabayo ang latay”.

Sa pagpapatupad ng Republic Act (RA) 11203 o ang Rice Tariffication Law (RTL), ito ay lubhang nakaapekto sa mga magsasaka ayon sa mga kritiko.

Sa layunin ng gobyerno sa pagpapahusay at modernisasyon ng industriya ng pagsasaka partikular ang ang pagsasaka ng bigas ay mukhang taliwas ang nangyayari dahil nahihirapan na at nalulugi na ang mga magsasaka ng bigas, ngunit iginigiit pa rin ng mga ekonomista ng gobyerno na ang RTL ang sagot pa rin upang mapahusay ang sektor ng agrikultura.

Ngunit pagpapala nga ba o isang sumpa ang RTL para sa mga magsasaka? Sa ilalim ng Rice Tariffication Law ay natanggal ang restriksiyon sa pag-angkat ng bigas sa ibang bansa at nagbubukas ng libreng kalakalan para sa pangunahing pagkain ng Pilipinas.

Dahil dito ay bumaha ng inangkat na bigas ang bansa na ayon kay Secretary William Dar ng Department of Agriculture ay nasa 2.5 Million metric tons hanggang Agosto ng taong ito. Layunin ng pag-angkat na pababain ang presyo ng bigas sa merkado na unti-unti namang bumababa ang presyo bagama’t hindi pa nararating ang nais na mababang presyo.

Ang mababang presyo ay kasiyahan ng mga mamimili ngunit kalbaryo naman para sa mga magsasaka ng bigas.

Dahil sa pagbaha ng mas murang imported na bigas ay mas nanaisin na ng mga trader at retailer ng bigas na dito na bumili kaya’t napipilitan ang mga magsasaka na ibenta sa murang halaga ang kanilang palay (na umabot umano sa PhP7 bawat kilo sa ibang lugar) kaysa mabulok at di na pakinabangan.

Lugi na nga talo pa sila dahil mas mababa pa sa production cost na PhP12 kada kilo. Nilinaw naman ni Senator Cynthia Villar, chairperson ng senate Committee on Agriculture and Food ang maling akala ukol sa RA 11203 at sinabing eksaherado at mali na ang pagbaba ng presyo ng palay ay dahil sa implementasyon ng batas na sinigurong hindi bababa sa PhP7.

Kailangan daw ipatupad ang batas dahil lumagda ang Pilipinas sa kasunduan sa World Trade Organization (WTO) noong 1995 na nagpapahintulot sa bansa na limitahan ang pagangkat ng bigas sa loob ng itinakdang panahon upang bigyan ng sapat na panahon ang gobyerno na palakasin at gawing competitive ang mga magsasaka ng bigas sa inaasahang pagdami ng inaangkat na bigas.

Nagtapos ang kasunduan noong 2017 kung saan kailangan na ng bansa na bigyang-laya at pahintulutan ang lubos na importasyon ng bigas na may 35 porsiyentong taripa.

Ayon kay Agriculutre Secretary William Dar, ang pagsasamantala (hoarding) ng mga trader, miller, at importer ang dahilan ng pagbulusok ng presyo ng palay at hindi ang implementasyon ng RTL.

Sinabi niya na bumababa na ang presyo bago pa lagdaan ni Pangulong Duterte ang RA 11203 dahil sa “hoarding”.

Kapag wala ang 35 porsiyentong taripa sa imported rice, ang production cost ng palay sa Thailand ay PhP8.85/kg habang sa Vietnam ay PhP6.53/kg, ayon sa datos ng PhilRice noong 2015.

Ibig sabihin nito ay mas mura at mas mahusay na kalidad ang maaangkat mula sa mga bansa sa ASEAN.

Maaaring makabili ang mga “retailer” natin sa mababang presyo na PhP600 hanggang PhP800 bawat sako ng bigas mula Vietnam at Thailand kumpara sa pinakamurang lokal na bigas natin na PhP1,300 bawat sako.

Upang mabigyan ng ayuda ang mga magsasaka at tustusan ang mga programang modernisasyon sa agrikultura ay nilikha ng RTL ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na may taunang pondo na PhP10 bilyon mula sa makokolektang taripa ng Bureau of Customs.

Nasa PhP5 bilyon mula sa RCEF ay ibibili ng rice farm equipment—gaya ng tiller, tractor, seeder, thresher, rice planter, harvester, at irrigation pump – na dadaan sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization.

Ipinatupad na rin ng DA ang Expanded Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers (SURE Aid) na layong magbigay ng pautang na agarang ayuda na PhP15,000 at walang interes na puwedeng bayaran sa loob ng walong taon.

Nabigyan nga naman tayo ng 22 taon upang ayusin at palakasin ang agrikultura, at dahil may kasunduan sa WTO ay wala tayong magawa at hindi dapat ipagwalang-bahala kahit pa may pagkukulang at dapat na isaayos.

Ang RTL nga ba ang katugunan? Hanggang kailan ang paghihirap at pasakit ng ating magsasaka ng bigas? Tama, may mga “birthpain” ang batas ngunit bakit hindi ito nakita at pinag-isipan noong una pa?

Kailangan ang agarang pagtugon sa sanhi at hindi lang sa sintomas ng problema upang maiwasan ang di pagkaunawa para sa epektibong pamamahala ng krisis sa bigas, dahil aanhin mo pa ang damo kung patay na ang kabayo?

Alternate Route

Guyabano Tea

Amianan Balita Ngayon