Hangin Ko, Buhay Mo… atbp

Tapik ni Tonying

Minsan ang pagdating ng pagtulong ng isang tao ay hindi mo inaasahan na nasa harap mo na o minsan nasa tabi mo na, gaya na lang ng isang proyekto na may pamagat na “ Hangin Ko, Buhay Mo” isang proyekto na nabuo sa gitna ng pandemya na kung saan ay naging suliranin ng bansa ang kakulangan ng “oxygen” na ito na nakalagay sa isang oxygen tank na kinakailangan sa mga hospital na gamit ng mga tao na kadalasang kinakapos ng hangin sa katawan.

Sa pangunguna ni Dra. Nary Arsenia Ngaosi-Mondinguing at mga miyembro ng Baguio Eye Doctor at ng US based na Apl de Ap Foundation International kasama ang JCI Baguio Sunflower at ng Saint Louis Med 91 at ng Lepanto High School Batch 83, ang Baguio Eye Laser Center Inc. at ng Mondiguing-Ngaosi- Lagasca family ay nagtulung-tulong na maganap ang ang paglikom ng 100 na oxygen tanks at ng regulator na ibinigay sa lungsod ng Baguio sa pangunguna naman ni Mayor Benjamin Magalong.

Ayon kay Dra. Mondiguing nakita niya ang lubhang kakulangan ng oxygen tanks sa lungsod ng Baguio at sa kalakhang Cordillera noong kasagsagan ng pandemya na dulot ng Covid-19 virus na kumitil ng buhay ng daang- tao sa bansa. Dahil dito ay naisipan nilang magsagawa ng isang “fund raising” upang makalikom ng nasabing 100 na oxygen at hindi lang yan, dahil aniya ay patuloy pa sila sa pagsasagawa ng kawang-gawa sa Cordillera lalo na sa usaping pangkalusugan.

Masayang tinanggap ni mayor Magalong ang mga oxygen tanks na aniya ay malaking tulong sa kanilang kampanya kontra Covid-19 na kung saan ay naging problema ng lungsod ang kakulangan ng oxygen tanks. Sa ngayon aniya ay sapat na ang mga ito upang matugunan ang pangangailangan ng mga hospital sa lungsod.

Inaasahan na hindi lang ang lungsod ng Baguio ang makikinabang sa nasabing proyekto dahil may mga lalawigan pa silang tutulungan upang magkaroon ng oxygen sa mga hospital.

Para sa kaalaman ng ibang readers natin si Dra. Mary Arsenia Ngaosi-Mondiguing ay siyang kabiyak ni Timmy Mondiguing na dating Regional Director ng Land Transportation Office sa Region 2.

Sa usaping pulitiko sa local na scenario ay nakasalubong at nakapanayam natin ang kumakandidato sa pagkakongresista sa lungsod ng Baguio na si Edgardo Duque ,66 taong gulang at isang maituturing na “faith healer”, na isa ring alagad ng Diyos at kilala bilang si Bro.Ed Duque, tubong Bautista, Pangasinan na pinsan ni Health Secretary Francisco Duque III .

Si Bro Ed ay isa lang na pangkaraniwang tao na nagnanais rin na makapagsilbi sa mga kababayan niya sa lungsod ng Baguio, oo nga’t wala raw siyang sapat na salapi upang manuyo sa mga taga- Baguio, subalit aniya ay tapat at maaasahan naman siya at hindi kurakot na tao.

Noong una ay nagbakasakali siya sa posisyon na Konsehal at luminya siya noon kay dating Councilor Edgar M. Avila na kilalang ang “Agila ng Baguio” na noon ay tumakbo sa pagka-mayor sa lungsod.

At noong nakaraang eleksyon ay sinubukan niyang tumakbo sa pagka-kongresista, subalit hindi pinalad at ngayon ay muli niyang susuyuin ang mga taga-Baguio upang siya ay piliin bilang representante ng Baguio sa Kongreso.

Sa ngayon aniya ay lubhang mahirap mangampanya dahil sa Covid- 19, takot pa ang mga tao na lumbas at ganun din ang mga kandidato kaya sa social media at mga media outfit ang magiging daan nila upang abutin ang mga tao.

Nang tanungin kung sino ang kanyang Pangulo ay mabilis pa sa alas-kuwatro ang sagot na siyempre BBM ako sabay taas ng kanang kamay na may senyales na “Victory”.