Hati ang gobyerno at mamamayan sa pasugpo ng COVID-19

Editorial

Inilagay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong isla ng Luzon sa ilalim ng “enhanced community quarantine” na kahit ayaw gamitin ng gobyerno ang salitang “lockdown” ay ito rin pakahulugan nito ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Ano hanggang Abril 12 upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng impeksiyon ng coronavirus na may kaso na ng local transmission.

Sa lockdown ay hihigpitan at lilimitahan ang mga pagkilos ng publiko sa pagbili ng pagkain, medisina at iba pang mahahalagang bagay na kailangan upang mabuhay.

Ang mga establisimiyento na nagbibigay ng serbisyo gaya ng pagkain at medisina ang tanging bukas lamang. Ang mahigpit na home quarantine ay ipapatupad sa lahat ng sambahayan, suspendido ang lahat ng transportasyon, ang probisyon sa pagkain at mahahalagang serbisyo ay kokontrolin, at ang pinatinding presensiya ng mga unipormadong personnel upang ipatupad ang mga proseso ng quarantine ay ipapatupad.

Ipinagbabawal din ang maramihang aktibidad ng mga tao at mahigpit na ipinapanawagan ang social distancing. Mananatiling bukas ang mga bangko, money transfer services, power, energy, water, at telecommunications supplies at facilities. Pinapayagan ding mag-operate ang public markets, supermarkets, groceries, convenience stores, hospitals, medical clinics, pharmacies at drug stores, food preparation at delivery services, water-refilling stations, manufacturing at processing plants ng basic food products at mga medisina, Business Process Outsourcing establishments o call centers at export-oriented industries ngunit kailangang sundin ang mahigpit na “social distancing measures” at magbigay ng pansamantalang akomodasyon sa kanilang manggagawa.

Ayon sa pinakahuling datos ng DOH ay may 230 kumpirmadong kaso na ng COVID-19 sa Pilipinas at 18 ang namatay habang walo ang gumaling. Ang lockdown sa pinakamalaki at may pinakamaraming populasyon na isla ng bansa ay tuwirang maaapektuhan ang nasa 57 milyon tao.

Ang hakbang ay ang pinaka-agresibo sa mga bansa sa Asia na nagpupumiglas labanan ang sakit na COVID-19 na nasa 220,000 katao ang kumpirmadong naimpeksiyon at mahigit 8,800 ang namatay habang 84,000 ang gumaling na nilulumpo ang public health systems ng buong mundo.

Alalahanin natin na kahit ang mga pinakamayaman at pinakamakapangyarihang bansa ay tinamaan din ng sakit na ito at nahihirapan ding sugpuin at pigilan ang pagkalat ng COVID-19. Sa katunayan sa bansang Italy hanggang sa oras na ito ay nakapagtala na ng 3,405 na pagkamatay mula ng lumaganap ang coronavirus pandemic.

Ang bilang ay nilagpasan na ang mga namatay sa China. Alalahanin din natin na ang sakit na ito ay sakit ng tao at ang kalahati ng ikasusugpo ng COVID-19 ay nasa atin na mga tao habang ang kalahati ay nasa gobyerno na ginagawa ang lahat ng makakaya upang maprotektahan, mailigtas ang mamamayan nito.

Ang maayos, madali at angkop na sistema sa pagtugon ng gobyerno sa banta ng sakit na ito at ang pagsunod at pakikiisa ng mga mamamayan sa mga tuntunin at regulasyong itinakda ng pamahalaan at awtoridad ay tiyak na mapapabilis ang laban kontra COVID-19 upang hindi ma-lockdown ang buong bansa.