Health services office, muling nagbabala kontra rabies

LUNGSOD NG BAGUIO – Ang rabies ay 100 porsyentong nakamamatay ngunit 100 porsyento ring napipigilan kung agad na magpapakonsulta sa doktor ang mga nakagat ng mga hayop.
Ito ang iginiit ni Dr. Vanessa Fagcangan ng City Health Services Office (CHSO) matapos na may naitalang 4,610 na kaso ng animal bites sa lungsod at karamihan ay mga nakagat ng aso.
Sa naging talakayan sa City Hall Hour noong Martes (Hunyo 3, 2018), ang rabies virus ay kadalasang nakukuha mula sa kagat ng aso, pusa at iba pang mga hayop.
Ang rabies kapag nailipat sa tao ay pwedeng maglakbay sa iba’t ibang parte ng katawan hanggang umakyat ito sa utak na maaring ikamatay. Ito ang dahilan kaya maigting ang paghihikayat ng CHSO sa mga residente ng lungsod na kapag nakagat ng aso ay magpakonsulta agad sa doktor upang maagapan ito.
Isa rin sa nakikitang suliranin ay ang maraming bilang ng mga inaalagaang aso sa rehiyon ng Cordillera subalit ayon sa Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry  ay hindi lahat ng aso ay napapabakunahan sa kabila ng mga ibibigay na vaccine sa lungsod.
Payo ni Dr. Fagcangan sa mga nakakagat ng aso, huwag basta nilalagyan ng mga bagay na pwedeng makapagpalala sa kagat, importante na hugasan ng maraming tubig at sabon ang sugat, huwag pipisilin dahil maaring lumala pa ang bakterya na papasok sa sugat, hindi rin makakabubuti ang pagtatandok sa sugat dahil mas lalong dudugo at may tsansa na lumala ang virus na papasok sa katawan.
Noong Hunyo ay nilagdaan ni Mayor Mauricio Domogan ang Resolution 182-18 mula sa konseho ng lungsod na nag-uutos sa City Veterinary Office para sa mas maigting na pagpapatupad ng Ordinance 25-2000 na nagsaad ng alituntunin sa pag-aari ng mga aso at nagkokontrol ng paglipana aso sa kalye.
Iginiit din sa resolusyon ang pagkakaroon ng public animal pound kasabay ng pag-aatas sa mga barangay officials, tanod, pulis at garbage collectors na huliin ang mga ligaw na hayop partikular ang mga aso na hindi nakatali. FRIA PILORIN, UC INTERN

Latest News

Amianan Balita Ngayon