Hepe ng NBI Isabela idineklarang persona non-grata

LALAWIGAN NG ISABELA (March 7, 2021) – Idineklarang “persona non grata” si NBI Isabela in charge Timoteo Rejano ng League of Mayors Isabela Chapter dahil sa umano’y pakikialam at pagkatig sa operasyon ng Small Town Lottery na diumano’y illegal na nag-ooperate sa probinsya.
Batay sa Resolution na pirmado ng karamihan sa mga alkalde ng Isabela (Resolution number 1 Series of 2021) tinatawagan umano at kinasuhan ang ilang Mayors ng Isabela upang payagan ang Operasyon ng STL sa kanilang mga bayan taliwas sa kagustuhan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng isang Executive Order ni Governor Rodito Albano.
Ilang beses nang ipinatawag ang Sahara Gaming Corporation, ang may prangkisa sa STL sa probinsya sa Sangguniang Panlalawigan upang pagpaliwanagin hinggil sa ilang mga usapin tungkol sa
mga dapat umanong bayaran sa probinsya.
Una na ring tinukoy ang walang patumagging pagpapataya ng mga bet collector ng Sahara sa mga bola ng STL na sanhi ng pagtaas ng mga kaso ng COVID19 sa probinsya.
Ayon sa mga lokal na opisyales ng Isabela, mistulang tauhan na umano si Rejano ng Sahara Gaming Corp para takutin ang mga kapitan at mga mayors upang maipagpatuloy ang operasyon ng STL sa Isabela. Labis namin kinondena ni Gov. Albano at Cauayan City mayor Faustino Dy V ang diumanong pananakot sa kanila ng ilang kumampi sa STL operation ng Sahara sa probinsya sa naganap na pagdinig ng Kamara tatlong linggo na ang nakakaraan kung saan nanawagan ang mga opisyal ng lalawigan pati ang House Committee on Games and Amusement na itigil muna ang operasyon ng Sahara.
Ngunit ayon naman kay PCSO general manager Royina Garma, tanging si Pangulong Duterte lamang ang makakapagsabi sa ahensyang ituloy o itigil ang operasyon ng isang may hawak na prangkisa ng STL.
Artemio A. Dumlao/ABN

Amianan Balita Ngayon