Sa ilalim ng Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, ang mga aktibidad smuggling o hoarding ay itinuturing na economic sabotage o sabotahe sa ekonomiya kung ang mga nasamsam na kalakal ay aabot sa mahigit PhP10 milyon. Pagkatapos lagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang bagong ipapatupad na batas ay inihayag ng Department of Agriculture na aabot sa hanggang PhP20 milyon na pabuya ang iaalok ng gobyerno kapalit ng impormasyon na hahantong sa pag-aresto ng mga smuggler at hoarder ng mga produktong agrikultura.
Sa bagong batas, ang mapapatunayang nagkasala ay mapapatawan ng habambuhay na pagkakakulong na walang inirekomendang piyansa, at multang limang beses ng halaga ng nakumpiskang mga produktong agricultural. Ang Court of Appeals ang may eksklusibong hurisdiksiyon para sa mga kasong may kaugnayan sa agricultural economic sabotage at may awtoridad na hawakan at magdesisyon sa paglilitis ng krimen sa ilalim ng batas. Lilikha ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council Enforcement Group upang masiguro ang maayos na implementasyon ng batas, i-coordinate ang mga imbestigasyon at magsagawa ng mga pagbisita at inspeksiyon upang ipatupad ang pagsunod sa hakbang.
Ang Council ay bubuuin ng Pangulo o ng kaniyang itatalagang permanenting kinatawan bilang chairman at ang mga hepe ng mga kagawaran ng Agriculture, Justice, Finance, Interior and Local Government, Transportation, at Trade and Industry, ang Anti-Money Laundering Council at Philippine Competition Commission bilang mga miyembro. Samantala ang grupo ng magpapatupad ay bubuuin ng National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at ang Department of Finance.
Inaasahan ng gobyerno na magsisilbi ito bilang isang “hadlang” (deterrent) sa gitna ng nagpapatuloy na mga iligal na aktibidad ng mga negosyante at hoarder ng mga produkto ng agrikultura at pangisdaan dahil sa mas mataas na multa at mas mahabang pagkakakulong. Hindi nagbabayad ng buwis ang mga smuggler kaya ibenebenta ang mga produkto sa mas murang presyo kaya malaking epekto ito sa kalakaran ng lehitimong merkado. Mapapasigla daw ng RA 12022 ang koleksiyon ng buwis ng gobyerno dahil hahbulin ang mga hindi nagbabayad ng taripa dahil sa iligal na pagpasok ng mga smuggled na produkto ng agrikultura.
Gayundin ay magkakaroon, sa ilalim ng batas, ng isang daily price index na magmomonitor at maglalathala ng
prevailing retail process ng mga produktong agricultural at pangisdaan sa lahat ng rehiyon upang masiguro ang pagiging bukas at pagkakaroon ng pananagutan. Hindi na bago ang pagbibigay ng mga pabuya sa mga impormante, sa katunayan ay nitong nakaraang taon ay bumaling ang Bureau of Customs (BOC) sa mga “impormante” (tipsters)
bilang pagpapaigting sa kampanya upang masawata ang mga smuggler at hoarder at nag-alok ng mga pabuya. Ang pabuya ay 20 porsiyento ng pinagbentahang halaga ng mga produkto ayon sa Sec. 1512 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na tumukoy sa pabuya sa mga impormante.
Noong 2023 lamang ay nalugi ang bansa ng mahigit tatlong bilyong piso dahil sa smuggling sa agricultural at wala pang siyam na buwan ng 2024 ay nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit PhP230 milyong halaga ng smuggled na mga produktong agrikultural. Samantalang ang gobyerno ay nalulugi (sa kabuuan) ng nasa PhP250 bilyon sa kita taon-taon dahil sa mga iligal na pangangalakal. Ang Bureau of Customs ang siyang pangunahing dapat magbantay sa mga pumasok na produkto sa Pilipinas subalit sa maraming taon (hanggang ngayon) ay nakakaranas ito ng isang
krisis ng pagtitiwala ng publiko na naglagay sa ahensiya sa isang masamang siklo ng pagganap.
Palagiang nasa pinakamababa ang customs bureau sa paglaban sa korapsiyon sa mga ahensiya ng gobyerno mula noong 2002. Niyanig ang bureau ng mga kontrobersiya gaya ng pagpasok ng malalaking halaga ng mga iligal na droga at ang napakaimposibleng marangyang uri ng pamumuhay ng mga empleyado nito. Talamak ang kultura ng suhulan at korapsiyon sa ahensiya kung saan ang kambal na krisis ng smuggling at korapsiyon ay nagpaguho sa pagtitiwala ng publiko, nagpabagsak sa batayang kita ng bansa, at inilagay sa alanganin ang seguridad ng publiko.
Nakararanas din ang ahensiya ng krisis sa liderato dahil sa mabilis pagpapalit-palit ng mga namumuno dito kaya may pulitikal na kahirapan ang trabaho sa pagbabago.
Walang masama sa pagbibigay ng pabuya sa mga impormante, subalit kung ito ay nagagamit sa hindi magandang layunin at baka maging mas masamang gawi ay baka lalo pang mapasama ang mga bagay-bagay. Mas mabuti sigurong pagtuunan ng mas mabigat ang pagpapatupad ng mga umiiral na batas, na walang pinapaboran, at linisin ang ahensiyang siya ang may mandatong tiyaking walang nakakapasok na kontrabando sa bansa, managot ang dapat managot na mga opisyal at paigtingin ang nagkakaisang posisyon at paglaban ng pampubliko at pribadong sektor
upang mapangalagaan ang mga kita, trabaho at ang kabuuang ekonomiya ng bansa.
October 5, 2024
November 1, 2024
October 26, 2024
October 19, 2024
October 12, 2024
October 5, 2024
September 29, 2024