Higit sa paggunita sa Araw ng Kalayaan, dapat makalaya na sa pagkakautang

Sa Hunyo 12, 2019 ay muli na namang gugunitain ng sambayanang Pilipino ang ika-121 taon ng “Araw ng Kalayaan” ng Pilipinas mula sa pananakop ng Espanya.
Ang “Pagpapahayag ng Kasarinlan ng Pilipinas” ay iprinoklama noong Hunyo 12, 1898 sa Cavite II el Viejo (ngayon ay Kawit, Cavite).
Kasama ng publiko ay binasa ang “Paggawa ng Pagpapahayag ng Kasarinlan ng Sambayanang Pilipino”. Ang mga puwersa ng Rebolusyunarong Pilipino sa ilalim ni Heneral Emilio Aguinaldo ay iprinoklama ang soberanya at kalayaan ng Mga Pulo ng Pilipinas mula sa pananakop na pamamahala ng Espanya. Ang deklarasyong ito ay kapwa hindi kinilala ng Amerika at Espanya.
Noong 1896 ay nag-umpisa ang Rebolusyon ng Pilipinas. Noong Disyembre 1897 ang gobyerno ng Espanya at mga rebolusyunaryo ay lumagda sa isang pansamantalang pagtigil ng labanan sa Pact-of-Biak-na-Bato kung saan kailangan magbayad ang Espanya sa mga rebolusyunaryo ng 800,000 piso at kailangan ding si Aguinaldo at iba pang pinuno ay itatapon (exile) sa Hong Kong.
Noong Abril 1898 ay sumiklab ang Spanish-American War at noong Mayo 1, 1898 ay tinalo ng Amerika ang Espanya sa Battle of Manila Bay sa pamumuno ni Commodore George Dewey ng US Navy.
Nagdesisyon si Emilio Aguinaldo na bumalik sa Pilipinas upang tulungan ang mga puwersa ng Amerika upang magapi ang mga Espanyol. Sumang-ayon ang US Navy na ibalik si Aguinaldo sakay ng USS MacMulloch at noong Mayo 19 ay nakarating siya sa Cavite.
Subalit ang petsang Hunyo 12 ay hindi raw ang tunay na araw ng kalayaan ayon sa ilang historyador, kundi sa Hulyo 4 dapat ito ginugunita.
Ito ay proklamasyon lamang na ginawa ni Heneral Emilio Aguinaldo na hindi matagumpay at naging walang bisa dahil diumano ang Treaty of Paris ay naratipika noong Disyembre 10, 1898.
Sa ilalim ng Treaty of Paris ay isinuko ng Espanya sa Amerika ang Pilipinas, Guam at Puerto Rico, kung saan binayaran ng Amerika ang Espanya ng 20 milyon dolyares.
Hindi nagtagumpay si Aguinaldo at mga rebolusyunaryo na pigilan ang ratipikasyon ng Treaty of Paris at ayon sa ilang historyador ay hindi kailanman nakamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa Espanya at pagmamay-ari daw ng Amerika ang Pilipinas.
Gayundin ang Malolos Republic sa Barasoain Church ay wala rin daw bisa dahil naitatag ito noong Enero 28, 1899 kung saan nasa ilalim ng okupasyon ng Amerika ang Pilipinas.
Hindi kinilala ng Rebolusyunaryong Gobyerno ng Pilipinas ang kasunduan o pamamahala ng Amerika at sumiklab nga ang tinawag ng Amerika na “insureksiyon ng Pilipinas” na ngayon ay tinawag na “Philippine-American War” kung saan nagtapos ng mahuli si Aguinaldo ng mga puwersa ng US at nag-isyu ito ng pahayag na kilalanin at tanggapin ang soberanya (pamamahala) ng Amerika sa Pilipinas.
Ang Tydings-McDuffie Law na ipinasa ng Kongreso ng US na bigyan kalayaan ang Pilipinas matapos ang sampung taon na panahonng transisyon sa gobyerno na itinatag para sa mga Pilipino sa ilalim ng American Commonwealth.
Eksaktong Hulyo 4, 1946 ay nabigyan ng kalayaan ang Pilipinas sa proklamasyon ni US President Harry S. Truman, kasunod ng pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdigan sa pamamagitan ng Treaty of Manila.
Ang Hulyo 4 ay ginugunita sa Pilipinas bilang Araw ng Kalayaan hanggang noong Agosto 4, 1964, sa payo ng mga historyador at pag-uudyok ng mga nasyonalista ay nilagdaan ni Pangulong Diosdado Macapagal bilang batas ang RepublicAct No. 4166 na nagtatalaga sa Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ang Hunyo 12 ay nauna nang ginugunita bilang Araw ng Watawat. Kung may pagtatalo at kalabuan sa tunay na araw ng ating kalayaan ay hindi na tayo magtataka na hanggang sa ngayon ay tila hindi pa natin nararamdaman at nakikilala ang tunay na kalayaan.
Dahil sa una pa man ay tila naipagkanulo na tayo ng mga naunang lider dahil sa salapi, personal na interes at kapangyarihan.
Nagkaroon tayo ng panandaliang kalayaan dahil binayaran ito at ang bayad na ito ay tinatanaw pa ring utang na loob hanggang sa ngayon.
Subalit higit sa petsa at araw ng tunay na kalayaan ay dapat din nating gunitain ang mas higit na kalayaan.
Ang kalayaan sa paghihirap, ang kalayaan sa magulong takbo ng pulitika at korapsyon, kalayaan sa patuloy panloob na rebelyon, kalayaan sa mahirap na ekonomiya, kalayaan sa napakalaking utang sa ibang mga bansa na kapag nakalaya na tayo sa pagkakautang ay marahil makakalaya na tayo sa utang na loob na matagal siguro nating nabayaran dahil sa kanilang pananakop at pakinabang sa ating mga likas na yaman.
Sapagkat ang tunay na kalayaan ay ang pagsasarili sa ilalim ng isang matatag at matiwasay na republika.
 
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon