HINAY-HINAY MUNA SA PULITIKA, INTINDIHIN NAMAN ANG KAHIRAPAN AT KAGUTUMAN

Sa kamakailang survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagaw noong Disyembre 2024 ay lumitaw na animnapu’t tatlong porsiyento o hunigit-kumulang 17.4 milyong pamilya ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap. Ang pag-aaral na isinagawa mula Disyembre 12 hanggang 18 ay nagpakita na ang porsiyento ng Self-Rated Poor Families ay tumaas ng apat na puntos mula sa 59% noong Setyembre 2024. Ayon sa SWS, ang resulta ng survey ay ang pinakamataas na porsiyento ng Self-Rated Poor Families sa loob ng 21 taon mula noong 64% noong Nobyembre 2003.

Ang 2024 annual average Self-Rated Poor Families na 57% ay mas mataas din kaysa sa 48% annual average na naital noong 2023 at 2022. Ang pag-aaral noong Disyembre 2024 ay nagpakita rin na ang kabuuang porsiyento ng mahihirap ay binubuo ng 10.2% ng “’bagong mahirap” o mga hindi mahirap isa hanggang apat na taon na ang nakararaan. Samantala, ipinakita ng survey na 11% ng mga pamilyang Pilipino ang itinuturing na ang kanilang sarili bilang nasa borderline o yaong mga naglagay ng kanilang sarili sa linyang naghahati sa mahihirap at hindi mahihirap na klasipikasyon.

Ito ay bahagyang pagbaba mula sa 13% noong Setyembre 2024 at 12% noong Hunyo 2024. Naitala din ng SWS ang
26% ng mga pamilyang Pilipino na inuri ang kanilang sarili bilang “hindi mahirap” na mga pamilya. Ito ay bahagyang pagbaba mula sa 28% noong Setyembre 2024 at ang record high na 30% noong Hunyo 2024. Ayon sa SWS, ang self-rated poverty ay pinakamataas sa Mindanao sa 76%, sinundan ng Visayas sa 74%, Balance Luzon sa 55%, at Metro Manila sa 51%. Isinama rin sa survey ang Self-Rated Food Poverty na nagpakita na noong Disyembre 2024, 51% ng mga pamilya ang nag-rate sa kanilang sarili bilang Food-Poor, 13% ay nag rate sa kanilang sarili bilang Food Borderline o inilagay ang kanilang sarili sa linyang naghahati sa Food-Poor at Not Food-Poor, at 36% ang nag-rate sa kanilang sarili na Not Food-Poor.

Ang 51% rating noong Disyembre 2024 ay limang puntos na pagtaas mula sa 46% noong Setyembre 2024 at Hunyo 2024. Ayon sa SWS, ito ang pinakamataas sa loob ng mahigit 20 taon o mula noong 51% noong Marso 2004. Ipinakita ng pag-aaral na ang Self-Rated Food Poverty ay nanatiling pinakamataas sa Mindanao sa 68%, sinundan ng Visayas sa 61%, Balance Luzon sa 42%, at Metro Manila sa 39%. Kumpara noong Setyembre 2024, tumaas ng 12 puntos ang Self-Rated Food Poverty mula sa 49% sa Visayas, 7 puntos mula sa 61% sa Mindanao, at 3 puntos mula sa 39% sa Balance Luzon habang nanatili sa 39% sa Metro Manila.

Ang non-commissioned survey ay isinagawa sa 2,160 adults sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao gamit ang face-to-face interviews. Ang mga tanong sa survey tungkol sa Self-Rated Poverty at Self-Rated Food Poverty ay idinirekta sa mga puno ng mga sambahayan at ang margin of error sa sampling ay 2% para sa pambansang porsiyento, 3% sa Balance Luzon, at ±5% bawat isa para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. Kung maniniwala tayo sa survey ay tiyak maaaring manlumo tayo at pagtuunan ng sisi ang gobyerno. May mga pagkakataong ang isang survey ay kumikiling sa isa panig ng pinapaboran at minsan may pagkakataong ginagamit (o nagagamit) ito laban sa isang hindi gustong partido.

Alinman dito ang totoo, ang realidad ay kailangan nating harapin. Tayo mismo, ang masa, ang nakakaramdam ng kahirapan at kagutuman dahil sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin. Hindi balanse ang kita sa gastos, lalong lumalayo ang agwat ng mahihirap sa mayayaman. Masakit man ang resulta ng survey na ito ay dapat pansinin at intindihin ito ng gobyerno, ng bawat isang politiko, ng mga mambabatas ng mga namiminuno sa bawat ahensiya ng gobyerno at agad bigyan lunas ang palubhang suliraning ito. Sa halip na bangayan sa politika, sa halip na pag-gigirian sa puwesto sa gobyerno ang inaatupag at lalo na ang pagpapayaman gamit ang yaman ng bansa ang inuuna ay maantig nawa ang mga ito at tutukan ang kahirapan at kagutuman. Dahil kung hindi matinag ang mga politikong ito ay baka makalimutan din kayo sa nalalapit na halalan.

TULONG SA MAMAMAYAN

CHARACTER MADE US MEN!

Amianan Balita Ngayon