Hinihinalang gun-for-hire, patay sa pamamaril

CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO, SAN FERNANDO CITY, LA UNION – Pinagbabaril ang isang gun-for-hire personality ng hindi pa nakikilalang mga suspek 1:05pm ng Agosto 16, 2018 sa Brgy. Saud, Badoc, Ilocos Norte.
Ang biktima diumano ay isa sa mga suspek sa pagpatay kay Ilocos Norte Electric Cooperative (INEC) Board President, Director Rey Ruiz noong Setyembre 4, 2009;
Kinilala ni Police Senior Inspector Arnel M. Tabaog, hepe ng Badoc MPS, ang biktimang si Rogelio Dagupion Riñen aka Edwin, 49 anyos, karpentero at residente ng Sitio Paratung Brgy. Saud, Badoc, Ilocos Norte.
Base sa inisyal na imbestigasyong isinagawa, ang biktima ay sakay ng itim na motorsiklong Motopost na may plakang 6020 nang habulin siya at pinaputukan ng maraming beses ng hindi pa nakikilalang mga suspek na sakay ng pulang sedan na walang plaka. Ang mga suspek ay tumakas sa hindi pa malamang direksyon dala ang armas na ginamit.
Nagtamo ang biktima ng gunshot wound sa kaniyang katawan at itinakbo sa Sto. Cristo Milagroso Hospital sa Sinait, Ilocos Sur subalit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician na si Dr. Ivy Dello.
Ipinaliwanag ni PCSupt Romulo E. Sapitula, PRO1 regional director, na ang biktima ay sangkot din diumano sa mga illegal drug activities sa Badoc, Ilocos Norte at kilalang gun-for-hire personality na diumano’y inaarkila ng ilang politiko mula Ilocos Sur at Ilocos Norte.
Walang narekober na fired cartridge cases sa pinangyarihan ng krimen.
Ang motorsiklo ng biktima ay inilagay sa kustodiya ng Badoc MPS para sa tamang disposisyon.
Iniutos ni Sapitula na magsagawa ng manhunt operation para sa posibleng pagkakilanlan at maaresto ang mga suspek. Sa karagdagan, iniutos niya sa chief of police ng Badoc MPS na dagdagan pa ang kanilang pagsisikap para madaling maresolba ang kaso.

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon