HPG ikinasa ang kontra overloading, matapos ang pagkamatay ng 13 katao sa Kalinga

TABUK CITY, Kalinga – Mahigpit na ipinapatupad ng kapulisan at Highway Patrol Group (HPG) ang kontra overloading sa mga behikulo makaraang maganap ang malagim na trahedya sa pagkamatay ng 13 katao na pawang magkakamag-anak noong Abril 18 sa Barangay Bulo, Tabuk, City, Kalinga.
Kamakailan lamang ay hiniling din ni Governor Ferdinand Tubban sa pulisya ang masusing imbestigasyon sa aksidente at iniutos ang istriktong pagpapatupad laban sa overloading, upang hindi na masundan ang naganap na trahedya.
Ilang oras matapos maganap ang aksidente ay agad tumalima ang Kalinga Provincial Police Office sa paglalagay ng barkida at signage sa mismong lugar na pinangyarihan ng insidente, para bigyan babala ang mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho.
Personal na pinuntahan din ni Kalinga Police Director Davy Limmong ang lugar para magsagawa ng imbestigasyon at siguraduhin ang mga inilagay na barikada at signage na magbibigay babala sa mga motorista na ang lugar ay isang accident prone area.
Iniutos din ni Tubban sa mga tauhan ng Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office na panatilihing laging handa at available ang mga rescue equipments na magagamit sa emergency situation. Ipinahayag din ni Tubban ang kanyang pangako na assistance para sa mga pamilya na P5,000 at isang sakong bigas sa bawat casualty.
Bukod dito, ang tadisyong ‘ad-achang’ o ‘binaddang’ ay muling ipinairal ng mga barangay officials, youth sector at residente ng Barangay Bulo, na boluntaryong lumikom ng pondo para sa financial assistance at rice donations sa mga mga biktima.
Ayon kay Punong Barangay Francisco Agwayas, nakalikom sila ng mahigit sa P30,000 cash at 19 cavan rice na kanilang ibibigay sa pamilya ng naulila, kabilang sa mga biktima na taga Tadian, Mt.Province.
Matatandan noong Abril 18, ay labis na nag dalamhati ang Kalinga at Mt. Province sa malagim na trahedya na sinapit ng magpapamilya nang mahulog ang kanilang sasakyan sa irrigation canal ng Barangay Bulo, na ikinamatay ng 13 katao, na karamihan ay mga bata.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon