Huwag kampante!

Mahigpit ang babala ni Mayor Benjamin Magalong sa posibleng muling lumubo ang kaso ng COVID-19, bunsod ng
pagbabanta ng kinatatakutang Delta variant na makapasok sa ating siyudad sa mga susunod na dalawang linggo o’ anumang oras sa mga darating na araw.

Nalaman natin na bagama’t todo higpit sa border control at pagbabawal muna sa mga turista, ay pinaghahandaan ni Magalong ngayon ang iba;’t ibang contingency plan upang maging handa kung sakaling pasukin tayo ng Delta variant.

Bukod sa mga karagdagang oxygen tank sa mga hospital, beds sa mga isolation facilities, ay wini-work out din ang city cemetery para kung sakaling dumating ang surge ng COVID-19.

Sa ating nakikita, ay ayaw ni Magalong na magaya tayo sa nangyayari ngayon sa Cebu, Ilocos Norte, Cagayan at sa iba pang lugar na pinasok na ng Delta variant.

Halos araw-araw ay nadadagdagan ang bilang ng Delta variant case at kumakalat na ito sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Katunayan nga ay papalapit na sa ating siyudad, matapos maitala ang unang kaso ng Delta variant sa lalawigan ng Apayao. Kaya hindi po masama ang panawagan na mag-double mask, dahil utos din po to ng DOH at WHO.

Huwag din pong iasa sa city government kung ano ang kanilang contingency plan, dapat ang publiko ay may contingency plan din, gaya ng pagsunod sa minimum health protocols at huwag lumabas ng bahay kung walang
importateng lakad sa labas.

Ang mga private sector ay hinihikayat din na gumawa ng contingency plan, na gawa ng pagbabawas muna ng trabahador o’ work at home muna.

Pinag-aaralan din ngayon ang muling ibalik ang market day, upang maiwasan ang congestion sa palengke. Mahirap po na bumalik tayo sa ECQ, dahil naranasan na natin yan, kaya hiling ng ating city government ang pagsunod at kooperasyon para maiwasan ang virus na ito manatili at kumalat pa sa ating siyudad.

Dahil din sa banta ng Delta variant, kinansela na ni Mayor Magalong ang selebrasyon ng Baguio Day sa Setyembre 1 bilang safety precautions. Huwag po sana tayong kampante, ang mga babala po ay hindi masama, ginagawa ito bilang paghahanda sa anumang trahedya na darating.

Ordinansa para sa fake vaccination passport
Isinusulong ngayon ng City Councilor Joel Alangsab ang karampatang multa at parusa sa mga taong gumagamit ng pekeng vaccination card o’ passport.

Sa ilalim ng ordinansa, multang P5,000 o’ pagkakulong ng 6 buwan sa sinumang individual na mahuling gumagamit ng peke o; tampered na vaccine passport.

Ika nga ni Pekto, bakit ang baba ng multa, dapat daw taasan at habaan ang pagkulong, upang wala ng magtangka pang gawin ang mameke.

Well, bahala na si Konsehal kung papatulan hirit mo. Para sa akin, tama lang ang ordinansang ito at sana magkaroon din ng ordinansa na gawing requirements sa anumang transakyon ang fully vaccination card.

Alam nating na hindi sapilitan ang pagpapabakuna, kaya marami pa rin ang ayaw ng vaccine, pero ang vaccine po ay ginawa para pangontra sa COVID at ito ay ginagawa sa halos buong mundo, kaya wala pong dapat ikatakot.

Sabi din ni Pekto sana daw lahat ng itatalaga sa mga quarantine checkpoint ay fully vaccinated na din para sa kanilang proteksyon na nakatutok sa mga taong papasok at papalabas ng isang lugar. Tama nga naman.

Hiling ko sa ating konseho na huwag ng patagalin ang ordinasa laban sa paggamit ng pekeng vaccination passport, gawin agad na maging batas ito sa lalong madaling panahon.

Amianan Balita Ngayon