Huwag lang sanang imbestigasyon, kundi mas matatag na regulasyon

Iimbestigahan na ng Sangguniang Panglunsod ng Baguio ang nangyaring pagguho ng lupa sa ginagawang condominium project ng Mega Towers Realty sa Sandico St. kung saan natabunan nang buhay ang dalawang batang empleyado ng RCLaranang Construction na siyang kontraktor ng nasabing walong palapag na gusali. Titingnan ang mga posibleng paglabag ng kontraktor at ang maaaring ipataw na sisi at pananagutan sa Mega Towers sa trahedyang nangyari.
Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan sa Baguio at Cordillera sa mga nakaraang linggo ay ilang mga pagguho ng lupa at mga bato na sanhi ng mga aksidente ang naiulat. Sa ngayon, ang sakuna sa Sandico St. ang pinakagrabe dahil sa pagkamatay ng dalawang tao.
Maliban sa “landslide prone area” ang Baguio ayon sa Phivolcs ay nasa “fault line” at naranasan ang mapamuksang lakas ng 7.1 magnitude na lindol noong 1990 na gumiba sa malalaki at matatayog na gusali sa lungsod at pagkamatay ng libong tao. Hindi gaya ng lindol, ang mga pagguho ng lupa ay taon-taong nararanasan sa tuwing panahon ng tag-ulan at mga bagyo kaya dapat ang mga paghahanda, karampatang pag-iingat at mga regulasyon  ay dapat natutunan na at naipapatupad nang tama at responsableng pamamaraan.
Tama! Kailangan bumangon ang lungsod sa pagkadapa nito dulot ng 1990 killer earthquake dalawampu’t walong taon na ang nakakaraan kaya umusbong na parang kabute ang matatayog na gusali na nagpapakitang buhay na naman ang Baguio bilang sentro ng ekonomiya ng Cordillera at kaakit-akit na destinasyon ng turismo. Subalit sa pagnanais natin ng kaunlaran ay tila nakakalimot na naman tayo sa maaaring kahihinatnan ng masyadong pagdami ng malalaking gusali sa lungsod. Matapos ang 1990 killer earthquake ay inaprubahan ang zoning ordinance ng lungsod na hanggang anim na palapag lamang na gusali ang maaaring itayo sa lungsod (lima ang itinakda ng National Building Code), ngunit hindi ito sinunod at nasusunod dahil sa pananaw na hangga’t kaya ng lupa na pasanin ang ilang palapag ay maaari, katunayan ay may panukalang hanggang 12 palapag ang papayagan sa Baguio.
Dapat dinggin ng pamahalaang lungsod ang panawagan na magkaroon muna ng moratorium o paghinto ng pagtatayo ng matataas na gusali sa lungsod. Hind naman masama ang pag-unlad subalit kung ang kaligtasan ng mga tao at ang madaliang pagkasira ng kalikasan ang napepeligro ay aanhin mo ang pag-unlad. Tunay na malaki ang perang mailalagay sa kaban ng lungsod sa marami at nagtataasang gusali, subalit sino ba ang nakikinabang at sino ang mas maaapektuhan? Nalimutan na ba natin ang aral ng napakalakas na lindol para lamang sa pagmamadali natin na umunlad?
Bata pa at punong-puno ng pangarap ang dalawang empleyado na namatay sa Sandico St., maaaring mapahupa pansamantala ang hinagpis ng mga naulila dahil sa perang itutulong. Pero hanggang saan ito? Mas mainam sana kung buhay pa ang mga ito at malasap ang tagumpay ng kanilang hinaharap at kapag hindi alintana ng mga namumuno ang pagmamadaling umunlad ay baka mayroon pang mga pangarap ang dagliang mababaon tulad ng kina Patrick at Hannah.
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon