HUWAG SANANG HANGANG SA PAGSUBAYBAY LANG ANG GAWAIN NG PNP…

Sinusubaybayan ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 430 mga opisyal ng barangay, kabilang ang 115 na barangay chairman at 316 na mga kagawad ng barangay dahil sa kanilang posibleng kaugnayan sa kalakalan ng mga iligal na droga. Ayon sa PNP ang 67 sa kanila ay mula sa Central Luzon, 53 mula sa rehiyon ng Bicol, 76 mula sa Western Visayas at anim mula sa National Capital Region.

Inumpisahan na ng PNP ang case build-up nito laban sa mga opisyal ng barangay na nabanggit at sasailalim daw sa mga anti-illegal drugs operation at nilinaw ng kapulisan na ang bilang ay hindi nangangahulugan na talamak ang iligal na droga sa mga rehiyon na nasa kanilang listahan.  Ayon pa sa PNP ay pinapalakas nila ang kanilang mga operasyon laban sa mga opisyal ng barangay na may kaugnayan sa kalakalan ng mga iligal na droga at binigyan-diin na napakahalaga na itaas ang kamalayan ng publiko ukol sa mga opisyal sa kani-kanilang lugar na tatakbo sa mga posisyon sa gobyerno.

Sa nalalapit na pagdaraos ng barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Oktubre ay mahalaga raw, ayon sa PNP na ang mga kandidato ay hindi nasasangkot sa mga iligal na droga at iba pang masasamang aktibidad. Bilang mga barangay chairperson ay pinuno rin sila ng Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs) na baka gamitin ng mga lokal na opisyal na ito ang kanilang posisyon upang protektahan ang kanilang mga alipores na nasa iligal na droga sa pagtatago ng mga impormasyon at mismong protektahan ang mga tulak ng droga sa kanilang barangay.

Upang maiwasan ang karahasan habang maaga pa sa BSKE ay sinusubaybayan din ng PNP ang nasa 48 Private Armed Groups (PAGs) sa bansa kung saan ang tatlo dito ay aktibo sa gitna ng mga paghahanda upang masiguro ang isang mapayapa at maayos na Barangay at SK elections sa Oktubre, dahil ang mga ito kasama ang mga grupo ng droga, gayundin ng pera ay maaaring magamit upang guluhin ang publiko upang maisakatuparan ang layunin ng isang kandidato.

Hindi maikakailang sa mga nakalipas na mga taon ay nagamit ang mga PAGs na gumawa ng mga karahasan ipang isulong lamang ang bentahe ng isang pinapaborang kandidato laban sa mga
katunggali. Bagaman ang sapilitang drug testing ay hindi kasama sa mga requirement para sa pagpipila ng certificate of candidacy ay mas mabuti sanang magkusang-loob na magpadrug test ang mga kandidato ngunit ito ay imposible. Napakatagal ng problema at salot sa lipunan ang mga iligal na droga at walang sinumang naging pangulo ng bansa o hepe ng pambansang kapulisan ang nakalapit man lang na mapuksa ito.

Katunayan sinubukan ni dating pangulo Rodrigo Duterte na kilalang berdugo at matapang sa kaniyang mga disposisyon na ipinagmayabang pa na sa unang anim na buwan ay papalisin niya ang problema subalit natapos ang kaniyang termino ay nabigo rin ito. Paulit-ulit din nating naririnig sa bawat nauupong hepe ng pambansang kapulisan na pupuksain nila ang iligal na droga, pero lahat ay hanggang sa salita lamang.

Kung nais talaga ng kapulisan na puksain ang iligal na droga sa bansa ay dapat unahin ang hanay nito na linisin sa mga bulok na miyembro at panagutin at ipatikim sa mga napatunayang kasangkot sa mga kalakalan ng iligal na droga ang tunay na kamay ng hustisya at batas – kapag nagawa na nila ito ay marahil mas madali na rin nilang linisin ang mga barangay.

Amianan Balita Ngayon