Ibat-ibang pananaw sa General Enhanced Community Quarantine at Iba pa

Tapik ni Tonying

Maraming natuwa sa pahayag ng gobyerno na ang lungsod ng Baguio at iba pang lalawigan sa Cordillera at sa Ilocos Region ang nasa ilalim na ng tinatawag na General Enhanced Community Quarantine o Modified Enhanced Community Quarantine dahil ayon sa mga kababayan natin e makakalabas na sila matapos ang dalawang buwan na stay at home dahil sa maaaring mahawa sa sakit na COVID-19 .

Ayon nga kay Engr. Joe Foronda ng T11 Corporation grumadweyt siya ng kursong BS Enhance Community Quarantine Major in Social Distancing and Minor in Stay at Home marami sa ating mga kababayan ang naburyong dahil sa ipinatupad na ECQ ng gobyerno, ani nga ni Ka Pabling e sumunod naman tayo sa gobyerno kaya dapat luwagan na ang ECQ para makapag hanapbuhay naman na ang mga Pilipino at sa totoo lang hindi kayang tustusan ng gobyerno ang mga mahihirap na tao na gaya natin.

Ang iba napipilitang lumabas at maghanap ng pangkain dahil hindi sapat ang ibinibigay na ayuda ng gobyerno. Nakikipagsapalaran sila kahit na mahuli ng mga pulis.

At sa totoo lang ito ang mga pangayayari na hindi natin inaasahang darating mainam pa nga ang bagyo dahil napaghahandaan di ba nga yung iba itinatali pa ang kanilang mga bahay at ang iba ay lumilikas na, subalit sa sakit na COVID-19 hindi natin alam kung saan galing ito o sino ang may dala.

Ang mga haka-haka at kuru-kuro ng ibang mga di umano ay “expert” ito raw ay gawa ng mga Tsino upang gamitin sa kanilang laban sa mga bansang mayayaman gaya ng United States of Amerika, at sa mga bansang Europe.

Ang iba naman sinasabi na ito ay may kinalaman sa ekonomiya ika nga e para maparalyzed ang ekonomiya ng bansang mayayaman o first world country.

Ang iba naman ay may kinalaman ito sa mga huling araw ng Diyos Ama na nakasulat sa Bibliya na dahil sa paglapastangan ng tao sa kapaligiran at paglimot sa Kanya kung kayat binibigyan niya ng leksyon ang kanyang nilikha.

At kung mapapansin niyo mga kababayan dahil sa ECQ naging malinis ang ating kapaligiran idagdag mo na dyan yung pagsara ng butas ng Ozone Layer na nasira dahil sa air pollution, ang mga dagat at ilog, naging malinis ang tubig ganun din ang hangin naging presko at mainam na langhapin.

Marami ang nabago sa “new normal” na buhay at gawi ng tao mas dumami ang bumabalik sa Diyos Ama at nananalangin ngayon marahin dahil sa takot na magkasakit at nakakapiling na nila ang kanilang pamilya.

Ganun pa man, paalala lang sa ating mga kababayan na laging tumawag sa Diyos Ama sa Langit, irespeto ang kapwa at palawigin ang pagmamahal sa kapwa.

Sa ilalim ng GCQ 50 porsiyento pa lamang sa mga negosyo na mga essential ang bubuksan ito ay ang mga negosyo na tumutukoy sa mga
pagkain, bawal pa rin ang mass gathering , mga restaurant, coffee shop, department store, barbershop, salon at hotel.

At maging sa transportasyon ay hindi lahat ay pinayagan na bumiyahe mayroon pa rin schedule na dapat sundin. At sabi nga ni Mayor Magalong laging makipag-ugnayan sa inyong mga barangay dahil ibinababa nila ang kanilang mga alituntunin sa mga barangay at sa media community ng Baguio.