Ibinebentang bigas na NFA, nalimitahan

Metro BLISTT

Bunsod ng kakulangan ng suplay ng bigas ng National Food Authority ay nilimitahan na ang pagbebenta ng naturang bigas sa merkado.

Ang mga retailers ay nagbebenta ng NFA rice mula ika-9 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, maliban kapag holiday, ayon kay Cecilia A. Concubierta, provincial manager ng NFA-Benguet, noong Mayo 16.

Aniya, hanggang tatlong kilo lamang ang maaaring bilhin ng bawat mamimili.

“Limitado dahil kung i-open mo naman lahat yan hindi nila masusustain ‘yun dahil dudumugin ng tao. At syempre hindi rin sila makabenta sa regular price nila sa ibang klase ng commercial rice so ililimit nila,” ani Concubierta.

Dagdag pa niya na ang kasalukuyang regular na presyo ng NFA sa retailers ay nasa P39 kada kilo at ibinebenta naman ng mga retailers sa merkado hanggang P42 o P3 na kita ng retailer kada kilo.

“Kaya lugi dahil dinala pa nila ‘yung stocks diyan [merkado], biruin mo yung hauling tsaka handling niya nang ilang beses,” ani Concubierta.

Sinabi niya na may tatlong sektor ang pinagkukunan ng bigas, una ay ang gobyerno sa pamamagitan ng NFA, ikalawa ang commercial, at ikatlo ang household. Ang Benguet ay walang malaking taniman ng palay kaya pangunahing umaasa ang probinsya sa commercial na bigas mula sa mga kalapit na mga lalawigan at sa nagmumula sa NFA.

Ang pagtaas ng presyo ng commercial rice sa merkado ay bahagyang nakokontrol sa pamamagitan ng supply ng NFA na ibinibenta ng mga retailers kaya bunsod ng paghina ng supply ng NFA ay tumaas din ang presyo ng mga itinitindang bigas sa merkado.

Halos mag-iisang buwan nang walang supply ng bigas ang NFA sa Benguet at kasalukuyan pa lamang na hinihintay ang pagdating ng bigas na inangkat mula sa ibang bansa.

Sinabi ni Concubierta na zero inventory ang NFA rice sa ngayon dahil nabenta na nila sa iba’t ibang institusyon ang kanilang natitirang stock.

“Nabenta na namin sa lahat ng institutions like DSWD, BJMP, sa mga government hospitals and then local government units at syempre kelan pa yung importation namin na last, that was last year pa, 2nd semester of last year…. Ang concentration ng NFA, more on sa mga areas ng kalamidad sa Bicol Region sa Mindanao so ‘yun ang nabigyan din ng focus. Kaya lang syempre meron kaming pinaghati-hatian nang konti pero alam niyo ito very critical ang Benguet so kailangan na magbenta ka habang may ibebenta ka,” aniya.

“Inaasahan na magkakaroon ng NFA rice stock sa darating na last week of May or early part of June,” ani Concubierta. CHERRY MAY D. PUMIHIC, UC Intern / ABN