SAN FERNANDO, La Union
Bilang pagdiriwang ng Farm Workers Appreciation day o Araw ng Pagpapahalaga sa mga Magsasaka at Mambubukid, inilunsad ang ika-apat na Community-Based Mental Health Awareness Program (CBMHAP) para sa 115 na magsasaka ng Brgy. Cabalayangan, Bauang, La Union noong ika-6 ng Agosto, 2024. Ito ay inorganisa sa pangunguna ng Provincial Government of La Union (PGLU), sa pamamagitan ng ng Provincial Health Office at Office of the Provincial Agriculturist, at La Union Multi-Sectoral Governance Council (MSGC).
Kaakibat din ang mga organisasyon ng Rotary Club of San Fernando, La Union Inc. at ang Inner Wheel Club of San Fernando La Union District 379. Sa kaniyang panimulang bati, isinalaysay ni Rev. Brennus H. Paragas, Chairperson ng MSGC, na layunin umano ng CBMHAP na maipalaganap ang kahalagahan ng mental health sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) ng probinsya na maaring may limitadong oportunidad para magpatingin sa mga ospital.
Bukod sa paglalayong malinang ang kanilang kapasidad na harapin ang mga suliranin sa kanilang sakahan at tahanan, tinalakay din sa programa ang mga isyu at solusyon ng komunidad hinggil sa Teenage Pregnancy at ang adbokasiya ng Inner Wheel para sa mga kabataan at kababaihan. Sa pagkakaroon ng CBMHAP, nadagdagan ng Mental Health Assistance ang natatanggap ng mga KaPROBINSYAnihan sa GIDA kasama ang iba pang programa ng PGLU gaya ng Medical Dental Outreach Program, Oral Health Program, at Nutrition Advocacy.
Ito ay patunay sa La Union PROBINSYAnihan ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong grupo upang mailapit ang mga pangunahing pangangailangang medikal sa mga naninirahan sa malalayong parte ng La Union. Tumanggap din ang mga magsasaka ng mga punlang maaari nilang itanim at pakinabangan. Nagbahagi ng 200 seedlings ng Karmay, Kape, Cherry at 200 seeds pa ng iba’t ibang panananim na gulay ang mga manggagawa ng PGLU na sinundan ng pamimigay ng mga meryenda mula sa Rotary at Inner Wheel sa lahat ng nakilahok at nakibahagi sa aktibidad.
Sa pagtatapos, taos-pusong nagpasalamat si Hon. Alexander Flores, Punong Barangay ng Cabalayangan, sa mga organisasyong bumuo sa pagtitipong ito. Hiling niya na hindi rito magtapos ang pag-abot ng tulong sa kanilang mga naninirahan sa GIDA ng La Union. Sa liderato ni Gov. Raphaelle Veronica “Rafy” Ortega-David, asahang magpapatuloy pa ang mga programang nakaangkla sa pagpapahalaga at pagsuporta sa mga magsasaka na siyang pangunahing tagapagpatupad ng bisyon ng La Union na maging sentro ng Agri-Turismo sa hilagang Luzon. Muling pinaghahandaan ng PGLU at MSGC ang susunod na barangay kung saan gaganapin ang ika-limang CBMHAP sa probinsya.
September 7, 2024
September 7, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024