Ilocos Norte nagbigay ng tulong sa mga biktima ng landslide sa Itogon

LUNGSOD NG LAOAG – Nagbigay ang pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte ng halagang P300,000 para sa mga biktima ng landslide sa Itogon, Benguet.
Sa special session na isinagawa sa Sangguniang Panlalawigan noong hapon ng Setyembre 27, nagkaisang inaprubahan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan o ng Provincial Board ang Draft Provincial Resolution No. 2018-09-273 na nagpapahintulot kay Governor Ma. Imelda Josefa “Imee” Marcos na mag-donate ng nasabing halaga bilang pagpapahayag ng simpatiya at tulong sa mga pamilya ng biktima.
Ayon kay Provincial Board Member Da Vinci Crisostomo, chair ng Committee on Laws, na sa naturang halaga, na idinaan sa lokal na pamahalaan ng Benguet, ay umaasa silang mapagaan ang pasanin at pagdurusa ng mga pamilya ng mga biktima na nailibing nang buhay dahil sa pagguho sa kasagsagan ng bagyong Ompong (Mangkhut).
Patuloy pa rin ang isinasagawang retrieval operation para sa 14 na nawawala sa Level 070 ng Ucab, Itogon, Benguet.
Sa ulat noong Setyembre 26, ayon sa mga opisyal, narekober ang 65 biktima mula sa site. L. ADRIANO, PNA / ABN

Loakan retrieval

Amianan Balita Ngayon