Imbentaryo ng punong kahoy sa Busol watershed isinasagawa

Metro BLISTT

LUNGSOD NG BAGUIO – Isang imbentaryo ng punongkahoy ang kasalukuyang ginagawa sa kritikal na Busol watershed na gagamitin bilang basehan para sa protection at conservation plans, strategies at policies ng lungsod para sa kaunting natitirang forest reserves.

Sinabi ni City Planning and Development Coordinator Arch. Donna Tabangin na ito ay magiging isang pangunahing bahagi ng ginagawang paghahanda ng Busol Forest Management Plan, ang updating ng Comprehensive Land Use Plan at ang Urban Regreening Program, lahat ay mahalaga sa layunin ng lungsod na muling pasiglahin ang kapaligiran at pigilan ang pagkabulok ng siyudad.

Ang aktibidad na nagsimula noong Abril 27 ay inaasahang matatapos sa Hunyo 16, 2022 na may tinatayang 5,000 puno pangunahin ang Benguet Pine specie na natukoy at nilagyan ng tag.

Maliban sa kaniyang opisina, sinabi ni Tabangin na ang aktibidad ay pinamunuuan ng City Environment and Parks Management Office at mga barangay ng Ambiong, Brookspoint, East Bayan Park at Pacdal na sinasaklang ng watershed.

Ang kanilang mga kinatawan ay binubuo ng tatlong inventory teams na tutulungan ng mga personnel ng City Environment and Natural Resources Office-Baguio, Baguio Water District at ng Public Order and Safety Division.

Nagbigay ng tulong ang Dept. of Environment and Natural Resources-Watershed and Water Resources Research Development and Extension Center (DENR-WWRRDEC) para sa lungsod upang makakuha ng kasanayan sa measurement standards at mga pamamaraan sa pagsasagawa ng imbentaryo para sa nakatayong mga puno base sa Forest Management Bureau Technical Bulletin No. 3.

Sinabi ni Tabangin na para sa proteksiyon ng mga puno, ginagamit ng mga team ang water-based white latex paint na banayad na ikinakayod sa ibabaw ng katawan ng puno.

Ang Busol Forest Reserve ay ang pinakamalaking pinagmumulan ng tubig sa lungsod kaya isa ito sa sentrong punto ng mga environmental preservation program ng lungsod.

(APR-PIO/PMCJr.-ABN)