Imbestigayon sa PhilHealth – may Patutunguhan Sana

Matatag at punong-puno ng awtoridad ang binigkas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte hinggil sa mga alegasyon ng katiwalian sa PhilHealth na ‘just a whiff of corruption, just a faint smell, you’re fired’ (kahit isang amoy ng korapsiyon, kahit konting amoy lang, talsik ka na). Kung galing sa pinakamakapangyarihang pinuno ng bansa ang babalang ito – tiyak ang isang opisyal ng gobyerno ay mangangamba na.
Nangako si Pangulong Duterte na dadalhin niya sa kulungan ang mga tiwaling opisyal ng PhilHealth at sinabi niyang babawiin niya ang nawalang pera sa mga umano’y mga anomalya sa ahensiya at nagbanta pa siya na yayariin niya ang mga korap na opisyal ngunit huwag mabahala ang mga inosente at manahimik at magpatuloy sa pagtratrabaho.
Maaaring nakalusot daw ang mga tiwaling ito sa ibang presidente subalit sa kaniya ay talagang “sadsad” daw sila.
Sinabi ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na nasa PhP2 bilyon hanggang PhP3 bilyon ang inilalabas ng PhilHealth linggo-linggo na nalalantad sa korapsiyon. Tinataya pa niya na nasa PhP153 bilyong pondo ng ahensiya ang nawala dahil sa korapsiyon mula 2013 hanggang 2018. Grabe na raw ang nakawan, kakapalan at kawalanghiyaan sa PhilHealth na ang problema sa korapsiyon ay pinasok na ang lahat ng lebelo ng PhilHealth.
Binuo ng Presidente ang task force na may di-pangkaraniwang kapangyarihan, kabilang ang kapangyarihan na mag-utos ng preventive suspension na rerespetuhin ng Pangulo ang desisyon ng task force. Binubuo ang task force ng Department of Justice, PACC, Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission, Office of the Executive Secretary at Presidential Management Staff.
Nitong nakalipas na mga taon ay inilunsad ang mga pagsisiyasat ng kongreso sa mga alegasyon ng pagbabayad mula sa Philippine Health Insurance Corp. para sa mga “multo” o hindi umiiral na pasyente ng dialysis at cataract. Sa gitna ng pandemya ng COVID-19 nagpapatuloy na nililigalig ng mga kontrobersiya ang PhilHealth.
Andiyan ang sobrang taas ng presyo ng COVID-19 testing kits, ang reklamo ng mga pribadong ospital na naantala ang kanilang reimbursement ng kanilang PhilHealth claims, ang pinagdududahang pagbili ng PhP2-bilyon na information technology system at ang alokasyon ng PhP300 milyon bilang reimbursement para sa COVID-related claims para sa mga ospital sa Bicol at Eastern Visayas kahit kapansin-pansing mababa ang mga kaso coronavirus sa dalawang rehiyon.
Ayon kay Senator Ralph Recto ay maaari ding may kasalanan ang mga opisyal ng gabinete sa gusot sa PhilHealth na mga ex-officio members ng ahensiya. Maliban kay DOH Secretary Francisco Duque III na siyang chairman ng PhilHealth, ang iba pang exofficio members ng board ay sina Finance Secretary Carlos Dominguez, Social Welfare Secretary Rolando Bautista, Budget Secretary Wendell Avisado at DOLE Secretary Silvestre Bello III.
Sila daw ang mga “kuya” sa board na dapat mangalaga at magbantay sa halos PhP250 bilyon na badyet ng PhilHealth. Bakit sila nananahimik at ano ang ginagawa nila?
Sa patuloy na kontrobersiya na ipinupukol sa hepe ng PhilHealth at iba pang matataas na opisyal na ibinunyag ng mga nagbitiw na opisyal ng ahensiya at mga katiwalian na bumalot na sa sistema ay umaalingasaw na sa baho na marahil ay sobra-sobra na sa hinihingi ni Pangulong Duterte na kahit “konting amoy” lang ng korapsiyon ay may mapapatalsik at mananagot.
Ang multi-agency task force na mag-iibestiga ay binubuo ng maraming ahensiya ng gobyerno ay harinawa may marating na tapat at katanggap-tanggap na resulta ng pagsisiyasat at rekomendasyon sa Pangulo upang maging gabay niya sa gagawing desisyon. Dahil may kasabihan nga tayo sa Ingles na “too many cooks, spoil the broth” eh huwag sanang masayang ang imbestigasyon at mapunta lamang sa wala ang kanilang trabaho – bago pa maubos ang pondo ng PhilHealth na siyang buhay ng ahensiya at pag-asa ng 107 milyong Filipinong miyembro nito.

Amianan Balita Ngayon