Mukhang malakas ang impluwensiya ng kasalukuyang mainit na mga pagdinig ng Senado at Mababang Kapulungan sa mga maiinit na isyu sa bansa gamit ang kontrobersiyang “inquiry in aid of legislation”. Sa lokal na kaganapan ay kinondena ni Baguio City Lone District Representative Mark Go ang ginawang “inquiry” ng Sangguniang Panglungsod na intensiyong sirain ang mga inisyatibo sa edukasyon na lalong linangin ang mga lider ng paaralan.
Pinulaan ni Congressman Go ang ilang miyembro ng Baguio City Council sa pagsisimula ng isang malisyoso at walang basehang pagisisyasat sa Generate Opportunities & Lead in Education Advancement and Development (GO & LEAD) program, na ayon sa Kongresista ay isang iginagalang na inisyatibong pang-edukasyon. Nag-ugat umano ang “pagsisiyasat” sa isang hindi nagpakilala at hindi beripikadong reklamo, na sa kabila ng islogan na “in aid of legislation”, wala itong malinaw na hurisdiksiyon at legal na batayan.
Isa na naman daw itong maling paggamit ng plataporma ng Konseho ng Lungsod upang maisulong ang pampulitikang agenda at ang nasabing pagsisiyasat ay isa diumanong panghihimasok na nagtatago sa likod ng “in aid of legislation”. Ang programang GP & LEAD na itinatag noong Mayo 2023 ayon kay Congressman Go ay
pinondohan ng gobyerno ng Australia sa pamamagitan ng Philippine Business for Education (PBEd) at ipinatupad sa partnership ng National Teacher’s College (NTC) at may koordinasyon sa opisina ni Congressman Mark Go. Si Go ay siyang chairman ng House of Representatives Committee on Higher and Technical Education at sa konsultasyon sa mga opisyal ng DepEd at ng Education Committee2 ay naisaayos ang isang paglalakbay sa Australia.
Sa kabila umano ng mga malinaw na testimonya na nakarekord mula sa mga principal kung saan pinagtibay ang pagiging bukas at tagumpay ng nasabing programa ay piniling balewalain ang katotohanan bagkus ay mas itinutok ang pagsisiyasat sa hindi nagpakilalang reklamo na salungat sa mga principal ng DepEd at malisyosong tinaguriang partisan sa kabila ng kanilang tapang na humarap upang tumestigo. Inihayag ni Congressman Go na bilang tugon ng COMELEC Baguio ay binanggit nito ang mga probisyong legal na malinaw na binibigyan-kahulugan ang mga aktibidad na partisan bilang mga aksiyon na nagaganap sa panahon ng opisyal na panahon ng kampanya.
Sinabi pa ni Go na hindi na raw patungkol sa pamamahala ang ginagawang pagsisiyasat kundi tungkol ito sa pagtulak ng isang politikal na agenda. Dahil dito ay isang cease and desist letter ang isinumite ng kampo ni Congressman Go sa Konseho ng Lungsod na binigyan-diin ang kakulangan ng awtoridad para sa pagsisiyasat. Sa mga naunang inilabas na opinyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na maliwanag na nagsasaad na ang mga sangguniang lungsod ay walang malinaw na kapangyarihan upang magsagawa ng mga pagtatanong bilang “in aid of legislation” na ang mga ito ay ipinahiwatig lamang sa pagrepaso sa executive budget at isang appropriations ordinance.
Bukod dito, ang awtoridad sa pagdidisiplina sa mga miyembro ng Kongreso at mga opisyal ng DepEd ay nasa Kongreso, Civil Service Commission, at Department of Education – hindi ang Konseho ng Lungsod. Tanong ni Go kung nasaan ang mabuting pamamahala sa buong politikal na sirkus? Nasaan ang pagiging bukas ukol sa di-nagpakilalang nagreklamo, pananagutan ng ilang Konsehal na naghahangad gawing armas ang mga pamamaraan ng konseho, at tuntunin ng batas sa pamamagitan ng pagsunod sa angkop na proseso na itinatag para sa mga miyembro ng kongreso at mga empleyado ng DepEd? Ang pangyayaring ito ay maliwanag na politika sa parehong panig dahil pare-pareho silang may kaniya-kaniyang interes at tatakbo sa nalalapit na halalan.
Tandaan na ang paggawa ng batas ay pangunahing pagsasanay sa paglutas ng problema. Naghahalal tayo ng mga
kababayan sa Kongreso na may tahasang gawain ng pagtugon sa maraming isyu at hamon na sumasalot sa ating lipunan. Sa katunayan ay binibigyan natin ng kapangyarihan ang piling grupong ito mula sa ating hanay upang matiyak na ang bawat Pilipino ay nagtatamasa ng magandang buhay. Gayunman, nasanay na tayo sa mga mambabatas na nagsasagawa ng lahat ng uri ng pagsisiyasat kung saan hindi malinaw ang layunin ng pambatasan.
Sa panahong ito, mas hilig na ng mambabatas na gamitin ang kapangyarihan ng legislative inquiry upang magmistulang mga imbestigador at taga-usig. Ang pang-aabuso o maling paggamit ng kapangyarihan ng legislative inquiry ay humahantong sa pagpasa ng mga hindi maintindihang batas sa ating mga aklat na hindi makakaresolba ng mga problema at ang mga kandidatong politikong nagpapaikot sa mga umiiral na batas at panuntunan sa halalan ay lalo lamang lalala ang ating paghihirap kung hahayaan ng mga botante na magpatuloy ang mga panlilibak na ito.
November 30, 2024
November 30, 2024
November 23, 2024
November 17, 2024
November 9, 2024
November 1, 2024