Inspeksiyon sa mga karne, nagpapatuloy

Metro BLISTT

Upang masiguro na ligtas kainin ng mga residente sa lungsod ay mahigit 200 libong ulo ng mga hayop kabilang ang mga baboy, baka, kambing, kalabaw at manok ang nainspeksiyon at pumasa para makatay ng city agriculture and veterinary office (CAVO) mula Enero 1 hanggang Hulyo 31 ng taong ito.

Sinabi ni CAVO head Brigit Piok na ang mga kinatay na hayop ay may 5,800 tonelada ng karne na sumailalim sa inspeksiyon ng kaniyang opisina at naaprubahan para makain ng tao sa loob ng nasabing panahon.

Inihayag ni Piok na sa antemortem inspection ay anim na baboy kabilang ang 17 tonelada ng mga lamang-loob ng hayop ang nakita ng CAVO na hindi ligtas para sa konsumo ng tao kaya kinumpiska at ibinaon sa lupa ang mga karneng ito.

Sinabi pa ng hepe ng CAVO na mahigit walong libong tonelada ng karne mula sa labas ng lungsod ang nainspeksiyon at naaprubahan para makain habang 623 kilo ng karne ang nakitang hindi ligtas kainin ng tao ang kinumpiska at ibinaon sa lupa. G.KEITH, PIO / May ulat ni LITO M. CAMERO JR. / ABN