Labis ang pangamba ng mga mamamayan ng Itogon, Benguet, lalo na sa maaring idulot na panganib ang kasalukuyang pagpapataas ng Tailings Storage Facility ng Itogon Suyoc Resources Inc. (ISRI) sa kapaligiran at kabuhayan. Kasalukuyang inaangat ng ISRI ang imbakan ng tailings
(mine waste) nito sa Sangilo, Poblacion, Itogon bilang paghahanda sa pagpapatuloy nitong pagmimina ng ginto sa mga susunod pang mga panahon.
Kung usaping siyensya, maigi nga namang mapaghandaan ang mas maraming mailuwal na dumi ng minahan sa paglago ng operasyon ng ISRI. Ngunit sa kabilang banda, nakakaramdam na ng panganib at maaring aktwal na epekto ang mga mamamayan. Lalo na’t binulag umano ang mga mamamayan sa mga detalye sa pagpapataas ng Tailings Storage Facility kahit pa malinaw sa batas ng pagmimina at pang-kalikasan na nangangailan ng maayos na konsultasyon sa mga apektadong mga komunidad ang ano mang mga aktibidades ang mga kompanya, lalo na at pambansang minorya ang mga mamamayan doon.
Ipagpalagay nang nagkaroon ng paunang konsultasyon ang ISRI at apektadong mamamayan sa
pangunguna ng Mines and Geosciences Bureau-CAR bago umpisahan ang TSF raising project. Ano ang mitsa ng reklamong maugong at hiling na itigil muna ang proyekto? Ang malinaw, may hindi malinaw sa apektadong mamamayan! Hindi malinaw sa mamamayan ang mga detalye ng inaangat na dingding ng TSF na nagbubunsod sa kanilang pangamba na maidudulot nito sa kapaligiran, pisikal na seguridad ng mga tao, pati na ang kabuhayan sa lugar.
Nakakaramdam na ang ilan ng epekto ng massive earth moving operations kaugnay sa naturang pagpapataas ng tailings dam sa ilog malapit sa proyekto, gaya ng nangangamatay na mga isdang
ilog (“fish kills”) dahil sa malakihang pagkabulabog sa lupa. Kung syensya ang nagtuturing na kinakailangang iaangat ang tailings dam upang imbakan at hindi umapaw, syensya din ang nagsasabing darating ang araw na maapektuhan ng naturang tailings dam ang mga ilog at sapa mula Itogon, hanggang La Union at Pangasinan.
Mariing ipinapanawagan ng mamamayan ng Itogon na pakinggan ng pamahalaan ang kanilang kahilingan, linawin ang mga pangamba, sundin ang isinasaad ng batas at patas na itaguyod ang kanilang interes, hindi lamang interes ng kalakal ng pagmimina.
January 21, 2023
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024
November 1, 2024