Internal cleansing sa pulis ng Region I, simula na

CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO – Nagsagawa si Police Chief Superintendent Gregorio R. Pimentel, regional director ng Police Regional Office 1 (PRO1), ng surprise inspection noong Pebrero 6 sa lahat ng mga pulis ng PRO1 at sa kanilang mga personal na sasakyan bilang bahagi ng internal cleansing program ng Philippine National Police.
Ayon kay Pimentel, sinadya niyang isagawa ang biglaang inspection pagkatapos ng flag raising ceremony upang masiguro ang 100 porsyentong attendance ng lahat ng personnel na nakadestino sa PRO1 headquarter kasama na ang mga nasa Regional Support Units.
“This is our first move to check on you, to see to it that your personal bearing is in accordance with the directive of our Chief, PNP. We need to follow orders and take this internal cleansing seriously in our command to remove the scalawags in our organization and in so doing we will regain the trust and confidence of President Rodrigo Duterte,” ani Pimentel.
Ang naturang inspection ay kinabibilangan ng non-uniformed employees na nakasentro sa wastong pagsusuot ng uniporme, proper grooming at pagbabawal ng pagsusuot ng mamahaling mga alahas at accessories.
Ang 207 na personal na sasakyan ng mga personnel ay sinuri ng Regional Highway Patrol Unit 1 (RHPU1). Ang mga kopya ng OR-CR ng mga naturang sasakyan ay isinumite sa RHPU1 para sa balidasyon upang masiguro na wala sa mga naturang sasakyan ang kasama o nadawit sa mga anomalya at krimen.
“It is my appeal to everyone to cooperate in this effort at kapit-bisig nating ibalik ang tiwala ng mamamayan sa atin at sa ating organisasyon. Kung hindi natin gagawin ito ay wala tayong patutunguhan maging ang ating bansa,” giit ni Pimentel.
Iniutos din ni Pimentel sa mga provincial directors ng Pangasinan, La Union, Ilocos Sur at Ilocos Norte na magsagawa rin ng spot inspection ng personnel sa kanilang areas of responsibility. Aniya ay pangungunahan niya ang internal cleansing hanggang sa pinakamababang yunit sa ilalim ng kanyang command.
“This is our main concern and we need to act now to save the PNP and leave no stones unturned in this battle. As a matter of fact, I instructed my staff to expedite the review of cases of all members of PRO1 allegedly involved in illegal activities,” ani Pimentel.

Amianan Balita Ngayon