INUTIL BA ANG DENR?

Ang kagandahan ng beach sa barangay Pugo, Bauang, La Union ay niyurakan na ng walang habas na pagtatayo ng mga istrukturang permanente at pangnegosyo bilang beach house for rent. Mahigit isang taon nang idinudulog sa pamahalaang bayan ng Bauang, PENRO-La Union at DENR Region 1 ang
iligal na pag-ukupa sa nasabing “public land” na tinayuan ng pitong kongkretong istruktura.

Itinuring na ng mga nangamkam ang “beach” bilang pribadong pagmamay-ari. Ang karimarimarim bulag, pipi at bingi ang mga kinauukulan sa pagyurak sa beach ng barangay Pugo, Bauang lalo na ang DENR na nakaatas na mangalaga sa kalikasan. Dati’y “ini-enjoy” ng lahat ang beach, ngunit ngayo’y ng iilan na lamang. Ang higit na masama pa, pinagkakakitaan pa ang mga ito.

Ang DENR ang ahensyang naatasang tagapangalaga ng lahat ng public lands sa buong bansa. Ito ang may mandatong magaruga sa kalikasan at ipagtanggol sa anumang kalapastangan. Ngunit kung ang basehan ay ang kakulangan sa paggampan sa tungkulin o tuwirang kawalang aksyon sa nangyayaring paglapastangan sa kalikasan sa barangay Pugo, Bauang, masasabing tinalikuran na ng DENR Region 1 ang mandato nito.

Napiringan at natakpan na ang pandinig nito sa daing ng kalikasan at ng mamamayang nakakasaksi sa pambubusabos sa beach. Sa katunayan, itinatayo na naman ang pang-8 istruktura doon at tiyak may karagdagan pa sa mga susunod na araw. Inaasahan ang agarang aksyon mula kay DENR Secretary Ma. Antonia Yulo- Loyzaga sa suliraning ito dahil “bawat minuto’y mahalaga” sa pangangalaga ng kalikasan.

Hihitayin pa bang si Pangulong BBM ang kakastigo sa mga pabaya, nagbubulagbulagan at nagbibingihang opisyal at kawani? Kung ngayon ang naniningil sa kainutilan ay mga saksi sa pambubusabos sa beach sa Pugo, Bauang, hintayin nilang kalikasan mismo ang maningil sa kanila!

Amianan Balita Ngayon