Ipinasarang karnabal, patuloy ang operasyon

LUNGSOD NG BAGUIO – Sa kabila ng utos ni Mayor Mauricio G. Domogan sa operator na pansamantalang ipasara ang karnabal sa Children’s Playground ng lungsod ay patuloy pa rin ang operasyon nito.
Ang naturang karnabal ay pansamantalang ipinasasara hanggang sa matugunan ang mga reklamo sa kaligtasan ng mga ipinatayong amusement rides.
Sa sulat ng mayor kay Belazar Ola, operator ng Burnham amusement rides, ay binanggit nito ang ulat ng City Buildings and Architecture Office (CBAO) na nagpapahayag ng pangamba sa kaligtasan ng Bee’s Parade,  Air Force Ride, Spinner Ride, Turbo Racing Team, Mix Up Ride, Biking Ride, Octopus Ride at Frisbee Ride ng karnabal.
Kabilang sa nakita ng CBAO technical personnel ang mga pako na ginamit bilang pin locks sa halip na nabuhol na matibay na tali; ginamit din ang nabubulok at hindi pantay na tabla; ang gamit na de-kuryente ay ginamit lamang para sa ilaw; ang mga  umiikot na bahagi ng makina ay hindi gaanong nalangisan; ang mga rides ay walang railings o seatbelts; may nakita ring oil spills sa ilang rides, sunog na power outlet sa ticketing booth, ang muffler exhaust ay walang extension pipe; ang base foundation support ay hindi maayos na nailatag; matulis ang dulo ng railings sa entrance, ang rollers ay hindi inayos upang magkasya sa mga gulong, may mga crack sa upuan ng rides, ang mga ginamit na pangsuporta sa rides ay maliliit at walang enclosure sa mechanical rotating parts.
Inirekomenda ng inspection team na sumunod ang operator sa mga ibinigay na mungkahi, magpasa ng certification mula sa may kakayahan na technical person na nagsasabing lahat ng yunit ng mga kagamitan at rides ay ligtas at angkop para sa operasyon, at magbigay ng liability insurance na magagamit kapag may nasaktan o namatay sa operasyon ng karnabal.
Nagbigay ng verbal directive ang mayor sa operator na ihinto pansamantala ang operasyon ng karnabal noong hapon ng Martes (Abril 3) ngunit pinanindigan ng operator ang desisyon nitong ipagpatuloy ang operasyon hanggang sa may maibigay na written order mula sa mayor.
KONTROBERSIYA SA KARNABAL
Maliban sa isyu sa kaligtasan ay maugong din na may “padulas” ang diumano ay ipinamahagi upang maaprubahan ang operasyon ng karnabal, kaakibat ng iba pang kontrobersiya.
Nauna rito ay itinatanong ni Vice Mayor Edison Bilog, na nagsasabing noong una pa lamang ay tutol na ito sa karnabal, kung bakit pinutol ang mga sanga ng kahoy sa lugar.
Ngunit karamihan sa 12 na miyembro ng Baguio City council ay inaprubahan ang operasyon ng karnabal matapos na diumano ay tumanggap ng P500,000 ang isang konsehal habang P1.5 milyon naman ang pinaghati-hatian ng natitirang konsehal.
Bago ang Holy Week break ay ipinag-utos na ni Domogan ang mahigpit na pagbabantay sa operasyon ng karnabal matapos na nakatanggap ng ulat na may nangyayaring pagsusugal dito.
Ang operasyon ng karnabal ay itinakdang magtatagal nang 60 araw hanggang sa Hunyo sa isang kasunduan sa mga opisyal ng lungsod kung saan sumang-ayon ang operator na magbigay ng P500,000 na may P50,000 bond bilang pambayad sakaling may maidulot na sira sa parke ang operasyon  nito.
Ang ibinayad ng operator ay dapat sanang ilalaan para sa pagsasaayos ng Children’s Playground, na dati ay tinaguriang “world class playground”.
Ngunit nagsimulang umani ng batikos ang karnabal matapos na ang pagkakapatayo nito ay mistula lamang peryahan sa barangay at diumano ay may stalls ng sugal na kahit ang mga bata ay pinapayagang tumaya. A.ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon