IPs sa Ifugao, napilitang lumikas dahil sa labanang militar-rebelde

LA TRINIDAD, BENGUET – Lubhang apektado at naiipit sa gitna ng nagsasalpukang puwersa ng gobyerno at mga rebelde kaya napilitang magsilikas mula sa kani-kanilang tahanan ang mga indigenous people sa Asipulo, Ifugao.
Ayon kay Ifugao Rep. Teodoro Baguilat Jr., ang labanan ng militar at mga miyembro ng New People’s Army ang nagtulak upang tumakas mula sa kanilang mga lugar ang mga IPs.
“Just days after the breakdown of the peace talks and the lifting of the ceasefire, the military and the NPA have renewed fighting. While casualties on both sides are expected, the greater tragedy is the displacement of peace-loving indigenous peoples from their ancestral homes,” aniya.
Hinimok ng mambabatas ang gobyerno na isulong ang pagpapatuloy ng peace talks at agad na ipahinto ang sagupaan sa pagitan ng military at NPA.
Sinabi ng mambabatas ng Ifugao na daan-daang IPs ngayon ang nasa evacuation center sa Namal, Asipulo kung saan ilang araw nang tumatagal ang sagupaan ng gobyerno at rebelde.
Noong gabi ng Pebrero 12 (Linggo), sinalakay diumano ng mga sundalo ang isang malaking kampo ng NPA sa barangay Namal, Asipulo at tinagurian itong base camp ng mga namumunong rebelde sa Ifugao.
Ayon kay Baguilat, ang mga residenteng lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa sagupaan ay nangangailangan ng agarang tulong gaya ng pagkain, tubig at kumot. “But more than anything, what they need is to go back home and to live in peace, away from the war that is not of their making and certainly not their fault,” aniya.
Nanawagan ang mambabatas sa parehong puwersa ng gobyerno at NPA na itigil ang putukan at hayaan ang mga inosenteng nasa loob pa rin ng war zones na makapunta sa evacuation center, kung hindi naman ay umalis na lamang ang dalawang puwersa upang makabalik na sa kanilang payapang pamumuhay ang mga residente.
“It is unfair and unjust for the indigenous peoples to become victims of the long-running war between the state and the insurgents,” ani Baguilat. Ace Alegre / ABN

Amianan Balita Ngayon