Isa kritikal sa kotseng sumalpok sa tricycle

ARINGAY, LA UNION – Kritikal ang kalagayan ng isang tricycle driver matapos na mabangga ng isang kotse sa national highway sa San Eugenio, bayang ito, noong Abril 22, 2018, 6:30 ng gabi.
Kinilala ang tricycle driver na si Arnold Carrera Estorco, 38, habang ang nakabangga dito ay Mitsubishi Lancer na minamaneho ni Donald Villanueva Panergo, 42.
Ayon sa initial na imbestigasyon ay palabas na ang tricycle ni Estorco mula sa western shoulder at papasok sa main lane patungong timog nang hagipin ito ng kotse na minamaneho ni Panergo.
Sa sobrang lakas ng pagkakabangga ay naihiwalay pa ang motor sa sidecar ng tricycle ni Estorco na humampas sa kanlurang gilid ng kalsada. Wasak din ang Lancer na sumadsad naman sa concrete flower box sa gilid ng kalsada.
Kritikal si Estorco na itinakbo sa La Union Medical Center. Nagtamo ito ng matinding pinsala sa kaliwang binti habang hindi naman nagtamo ng kahit anong pinsanla si Panergo na aminadong nakatulog habang nagmamaneho.
Dinala si Panergo sa Caba Disctrict Hospital at isinailalim sa physical at alcohol breath examination kung saan ay nag-negatibo naman ito. Pinakawalan na rin si Panergo na nangakong sasagutin ang lahat ng gastos sa pagpapagamot ni Estorco. CHRISTIAN JASTINE V. MENDOZA, UC Intern

Amianan Balita Ngayon