Isa patay, isa sugatan sa pamamaril

Patay ang kustomer ng isang kainan habang ang isa pa ay nasugatan nang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang suspek, umaga ng Huwebes (Oktubre 19) sa Bokawkan road, Baguio City.
Hindi pa mahagilap ng mga pulis ang dahilan ng naturang pamamaril na pumatay kay Romeo Pimentel Jr. at dahilan ng pagtamo ng sugat ni Nexon Cadoy ngunit ayon sa ilang nakasaksi ay nagkaroon ng sagutan sina Pimentel Jr. at Cadoy sa suspek, na kinilala lamang bilang “Macmac”, dakong 4am sa loob ng Alphys Eatery.
Ayon sa ulat ay kumakain sina Pimentel Jr. at Cadoy nang nagsimula ang hindi pagkakaunawaan sa suspek.
Umalis umano ang suspek sa lugar at nang bumalik ay binaril nito ang mga biktima.
Si Pimentel Jr. ay dinala sa Baguio General Hospital ngunit hindi na umabot nang buhay habang si Cadoy na tinamaan sa kaliwang hita ay dinala sa Pines Doctor’s Hospital. ACE ALEGRE
 

Amianan Balita Ngayon