Isama rin natin sila sa dasal at pag-alala

Panahon na naman ng paggunita ng ating mga mahal sa buhay na namayapa na. Tuwing dumarating ang buwan ng Nobyembre ay hindi na magkanda-ugaga ang mga tao upang planuhin kung saan at kailan ang susunod nilang pupuntahan upang kahit sa ilang araw na walang pasok sa trabaho at paaralan ay makapagbakasyon. Aminin man natin o hindi ay ito ang unang nasa isip ng marami nating kababayan tuwing dumarating ang “araw ng mga patay” o undas. Subalit naniniwala pa rin tayong mas marami pa rin ang nagdiriwang ng tunay na kahulugan ng “piyesta ng mga patay”.
Katunayan ay maraming araw pa lamang bago ang Nobyembre 1 ay nauuna ng naglilinis ang marami sa mga puntod ng kanilang namatay na kamag-anak. Marami rin ang nauuna ng bumibisita at nag-aalay na ng dasal at hindi sumasabay sa dagsa ng napakaraming tao sa mismong araw ng kaluluwa na maraming taon ng tradisyon ng bawat isang Pilipino.
Masuwerte kung ituring na may dumadalaw pa at nag-aalay ng mga dasal sa puntod ng mga namayapa na pero masaklap at napakalungkot naman sa maraming namatay na kung hindi na nakilala ay hindi man lamang nabigyan ng maaysos ng paglilibing. Marami tayong mga kababayan na ganyan ang naging kapalaran, marami sa ibang bansa namatay at hindi na naiuwi sa Pilipinas, marami ang namatay sa mga sakuna sa dagat na hindi na natagpuan at marami ang mga nasawi at nagbuwis ng buhay para sa bayan dahil sa digmaan na hindi rin nakita at marami pang bigla na lamang naglaho na parang bula.
Paano kaya sila tuwing araw ng mga patay? Nagdadalamhati rin kaya sila dahil walang paraan para sila madalaw? Gaya rin ng pagdadalamhati ng mga buhay nilang mahal sa buhay? Subalit ang mas nakakalunos ay may mga puntod ng sa maraming taon ay wala ng dumadalaw at naglilinis dito, na maaaring wala na ring kamag-anak o tuluyan ng kinalimutan.
Marahil sa panahon ng Undas ay maaari din natin silang isama sa ating mga dasal at kahit hindi natin sila kamag-anak o kaibigan o kakilala man lamang ay alalahanin din natin sila, kahit sa isang munting dasal. Marahil sa isang payak na pakikiramay na ito ay makapagdulot tayo ng kaligayahan sa mga namatay at namatayan.
PMCJr.

Amianan Balita Ngayon